KUMBAGA sa karera ng kabayo, eksakto lang ang pagremate ng Alaska Milk!
Biruin mong kailangang talunin nila ang Barangay Ginebra sa kanilang huling laro ng hindi bababa sa anim na puntos upang masiguro na magtatapos sila sa ikaanim na puwesto at makakalaban ang nagtatanggol na kampeong Purefoods Star sa best-of-three quarterfinals series.
At iyon nga ang kanilang ginawa!
Ginapi nila ang Gin Kings, 104-98, noong Miyerkules sa huling laro ng elimination round ng 2015 PBA Commissioner’s Cup.
Actually, maganda ang dinisenyong play ni coach Alex Compton sa huling anim na segundo matapos na magbuslo ng basket si Gregory Slaughter para sa 102-98 abante ng Aces.
Natanggap ni Damion James ang inbound pass at dumiretso na lang ito para sa isang layup na hindi naman lamang sinubukang pigilin ng Gin Kings.
At sa huling play ng Barangay Ginebra ay dini-dribble na lang ni Mark Caguioa ang bola kontra kay Calvin Abueva hanggang sa maubos ang oras.
Sa totoo lang, nakakahinayang ang pagkatalo ng Barangay Ginebra.
Kasi, nakabalik ang Gin Kings buhat sa 15 puntos na abante ng Alaska Milk at nakuhang makalamang, 90-89, sa pagtutulungan nina LA Tenorio at Mac Baracael.
Pero pansamantala lang ang kasiyahang naramdaman ng mga Ginebra fans. Sumagot kasi kaagad ng isang three-point shot si Cyrus Baguio at hindi na muling nakaabante ang Gin Kings.
Bale ikaanim na puwesto kasi ang pinaglalaban ng Barangay Ginebra at Alaska Milk.
Kung nanalo ang Barangay Ginebra, sila sana ang makakatunggali ng Purefoods Star sa best-of-three quarterfinals.
Dahil sa natalo sila, pumangwalo ang Barangay Ginebra at ang makakaengkwentro nila sa quarterfinals bukas ay ang Rain or Shine na may twice-to-beat na bentahe. Wala na silang puwang para magkamali. Kailangang dalawang beses nilang talunin ang Elasto Painters upang makaabante sa semifinals.
Isa pang nanghihinayang ay ang Barako Bull.
Kasi, kung nanatiling apat na puntos ang abante ng Alaska Milk sa Gin Kings at hindi naka-shoot si James, sila sana ang kaharap ng Purefoods Star sa best-of-three quarterfinals dahil sa mas mataas ang kanilang magiging quotient kaysa sa Aces.
Pero ngayon ay makakatagpo nila ang Talk ‘N Text na mayroon ding twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals.
Gaya ng nasabi natin, eksakto lang ang remate ng Alaska Milk.
Sinimulan ng Aces ang torneo nang hindi kumpleto ang lineup dahil sa injuries. napagtatalo sila. Pero nakahabol sila sa bandang dulo upang pumasok sa best-of-three quarterfinals.
Siyempre, sinasabi ni Compton na ang kanilang premyo ay Purefoods at hindi iyon madali dahil nga defending champion ang Hotshots.
Pero hindi ba’t galing naman sa Finals ang Alaska Milk sa nakaraang Philippine Cup kung saan nabigo ang Purefoods Star na maidepensa ang korona?
So, ano’ng problema!