NAGMUMUKHANG desperado na talaga itong si Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV. Tila gutom sa media mileage o gusto lang talagang mapag-usapan sa media, na kahit hindi kumpirmado o hindi malinaw ang isang pangyayari, ay agad-agad na magsasalita sa harap ng mga reporter para makabida lang sa balita.
Nitong nakaraang araw, pumutok ang balita na ilang opisyal ng Armed Forces ang nilasing daw ng Special Action Force troopers. Ginawa raw ito para hindi makasali ang mga sundalo sa Oplan Exodus. At ang layunin umano ng SAF ay para masolo nito ang $5 milyon reward sa sandaling maaresto o mapatay ang Malaysian bomb expert na si Zulkifli bin Hir, alias Marwan, at $1 milyon kung sakaling maaresto naman ang Pilipinong terorista na si Basit Usman. Ayaw daw kasi ng SAF na makihati pa sa reward money ang AFP.
Bagamat sa kinalaunan ay kumambyo si Trillanes at nilinaw na hindi naman daw SAF ang nakipag-inuman sa AFP kundi isang PNP intelligence officer, nakakatakot pa rin ang mga naunang binitiwang salita ng senador. Ang mga pahayag na ganito ay maituturing na iresposable lalo pa’t kung manggagaling sa isang senador na gaya niya.
Simpleng pang-iintriga ang mga naging pahayag ni Trillanes — ispekulasyon para lang makapagpasikat at maging bida sa mga balita.
Makailang beses na bang nagsalita si Trillanes sa media na walang mga batayan? Hindi isa o dalawang beses lang nangyari ang mga pagbibitiw ng mga iresponsableng pahayag ng senador.
Sa kasagsagan ng isyu noon ng Disbursement Allocation Program na sa kinalaunan ay nagresulta ng panawagan na dapat magbitiw na ang pangulo, nagbitiw ng salita itong si Trillanes na meron daw na nilulutong kudeta laban kay Pangulong Aquino.
At nang uminit na nang uminit ang isyu ng Mama-sapano incident na nangyari may dalawang buwan na ang nakalilipas, at muling umingay ang panawagan na siya ay dapat nang umalis sa pwesto, ay nagpalutang na naman itong si Trillanes na meron na namang nilulutong kudeta ang mga kalaban ni Ginoong Aquino.
Hanggang kailan kaya paiikutin ni Trillanes ang publiko?
Noong una, gusto raw niyang tumakbo bilang pangulo. Nitong nakaraang mga araw, iba naman ang ihip ng hangin, at ang gusto na niya ay bise presidente na lang dahil hindi pa raw handa ang bayan sa gaya niya para maging presidente.
Ano pa kaya ang mga susunod na bibitiwang salita ni Trillanes para lang makapapel sa media?
Sa galit ng ilang mga kasapi ng PNP, hinamon na si Trillanes ng bagong pinuno ng SAF na si Chief Supt. Moro Virgilio Lazo na patunayan ang kanyang mga akusasyon at imbestigahan ang nasabing insidente.
Tila asar din ang ilang senador kay Trillanes dahil sa katabilan nito. Lalo pa’t hindi ito humingi ng pahintulot sa mga kasamahan na ibunyag sa media ang isyu ng inuman na pinag-usapan sa Senate executive session.
Batay sa rules ng Senado, kailangang kunin muna ang pahintulot ng majority ng Senate committee bago ihayag ang ano mang napag-usapan sa executive session ng Senado..
Ang mga sensitibong bagay o usapin na maaaring makakasira sa mga institusyon o departamento ay hindi basta-basta inihahayag sa publiko lalu na kung magdudulot lang ito ng kalituhan o kaguluhan. Dito masusukat ang isang indibidwal, lalu na sa isang senador, kung tunay ngang responsable ang kanyang pagkatao.