Maayos nang nakakakilos ngayon si Vice-Governor Jolo Revilla, bukod sa paminsan-minsang pagngiwi dahil sa makirot pa rin niyang sugat sa kanang dibdib ay parang walang nangyari, nabawasan din siya ng timbang dahil sa ilang linggong pagkakaospital.
Regular na siyang nakadadalaw sa kanyang amang senador sa PNP Custodial Center, “Pastor Jolo” na nga ang tawag sa kanya ngayon ni Senador Bong Revilla, dahil matinding pasasalamat palagi ang bukambibig ni VG Jolo sa pagkaligtas niya sa kapahamakan.
“Minus one challenge,” sabi sa amin ni Senador Bong, isang matinding pagsubok nga naman kasi ang minsan pa nilang napanalunan, iniaalay nito kay Congresswoman Lani Mercado ang kredito ng pag-aasikaso kay VG Jolo nang maganap ang aksidenteng pagkabaril niya sa kanang dibdib.
“Kay Lani lahat ‘yun, napakatatag talaga ng wife ko, dati na akong bilib sa kanya, pero sa ipinakita niyang katapangan nu’ng maaksidente si Jolo, mas sinaluduhan ko pa siya. Grabe ang pagkabuo ng loob niya!
“Kung paano niya kinaya ang lahat, Diyos lang ang alam kong dahilan. Binabantayan niya si Jolo sa ospital, nagpupunta pa siya dito, nag-oopisina pa siya, wala siyang napababayaang trabaho bilang nanay at lola ng mga apo namin.
“Di ba naman, isa siyang kahanga-hangang babae?” paglalarawan pa ng aktor-pulitiko sa kanyang misis. Ang pag-asa ay hindi nawawala sa pamilya, isang araw ay umaasa sila na matatapos din ang pinakamatinding laban na hinaharap nila ngayon, isang umaga ay magpapasalamat na lang sila dahil may tuldok na pala ang paghamon na lalo pang nagpatatag sa kanilang pamilya.