Duwag sa responsibilidad

MALAKAS ang loob at kadalasang hindi na nag-iisip ang ating mga kababayan sa mga panahong gumagawa sila nang hindi tama, tulad na lamang ng bawal na pakikipagrelasyon sa kapwa OFW at maging sa ibang lahi. Madalas pa nga ay binibigyan pa ng katwiran.

May magsasabing hindi naman nila sinasadya ang ganoong mga pangyayari. Nangyari na lamang ang dapat ay hindi nangyari. Pero ipagpapatuloy pa rin naman.

Hindi rin umano nila akalaing mahuhulog na lamang ang loob nila sa isang kababayan o sa ibang lahi pa nga, sa kabila ng katotohanang may sariling pamilya na ang mga ito sa Pilipinas.

Iyan na nga ang nagi-ging karagdagang problema sa buhay ng pag-aabroad ng ating mga OFW. Hindi kasama sa plano, o sa kontrata at hindi rin napaghahandaan, pero nangyayari.

Ito ang bagay na dapat ay kasamang pinaghahandaang mabuti ng mga OFW.

Tama, sa mga panahong malungkot at mahina, tanging sandalan ng mga OFW ay ang kapwa nila OFW na pwede nilang lapitan agad-agad.

Isang tawag lamang sa kapwa OFW nariyan na ito kaagad upang sumaklolo. Handang makinig sa mga karaingan. Pero minsan nauuwi na nga sa isang bawal na relasyon ang ganitong mga sitwasyon.

Mga problemang hindi na sana lulubha pa kung ang OFW ay ilalaan lang pansin sa pamilya, asawa, kapartner na naiwan sa Pilipinas.

Ang kaso nga, sabi nila, kaya kailangang ibang tao ang dapat nilang kausapin, dahil hinggil nga sa kanilang mga asawa ang reklamo nila.

Sasabihin ng misis na OFW, batugan at saksakan ng tamad si mister, babaero pa, kung kaya’t napilitan siyang mag-hanapbuhay.

Linya naman ng mister na OFW, waldas sa pera, bulagsak at hindi mapagkatiwalaan ang misis sa Pilipinas. Kesyo hindi pinahahalagahan nito ang perang kanyang pinagpapaguran sa abroad dahil napakabilis lamang sa kanilang gumasta para sa sariling mga luho sa katawan.

Gayong may mga mister na OFW, na talaga namang lehitimo ang reklamo laban sa kanilang mga may-bahay. Walang budget sa kanilang tahanan. Hindi naglilista ng mga gastusin. Kapag hinanapan, galit pa at simula na ‘anya iyon ng walang hanggang away.

Kapag umuwi naman siya, makikita niyang maraming mga bagong bagay na pinamili si misis. Mga pansariling gamit ‘anya nito sa halip na gugulin para sa buong pamilya.

Kapag ganyan na ang eksena, aasahan na natin na mabilis ngang mahuhulog ang loob ng isang OFW sa kapwa OFW na nagpapakita ng malasakit.

Pero hindi kasi nagtatapos sa ganiyang kuwento lamang ang sitwasyong pinapasok nila. Magiging kumplikado na ito.

Hanggang sa darating ang puntong mag-sasama na sila at bubuo na rin ng sariling pamilya sa abroad. Pikit matang iiwan o tata likuran ang pamilya sa Pilipinas.

Kung hindi naman nila iiwan ang pamilya, sa mga patagong pagkakasala, maaaring magkaroon ng bunga ang bawal na pagmamahalan.

At diyan papasok ang maraming mga kaso ngayon na basta na lamang iiwan ang sanggol, dahil walang puwedeng mag-uuwi sa kanila sa Pilipinas, dahil pareho nga silang may mga pamilya na.

Tulad na lamang ng panibagong sanggol na iniwan ng ina nito sa United Arab Emirates. Nagsasagawa na sila ng masusing imbestigasyon at hinahanap ang ina ng bata upang papanagutin. Ang Pilipinang nagreport na nagdala pati na pinag-iwanan ng bata, parehong inibestigahan. Ngunit napatunayang hindi sila ang ina ng bata.

Kaawa-awang mga inosenteng biktima ng mga magulang na duwag humarap sa kanilang mga pagkakasala at responsibilidad lalo sa mga batang hindi naman sila ang piniling mga magulang.

Read more...