NAGTRENDING sa social media ang video ng isang high school salutatorian na pinatigil sa gitna ng kanyang pagtatalumpati sa kanilang graduation rites noong Marso 21.
Hindi umano nagustuhan ng pamunuan ng Sto. Niño Parochial School sa Quezon City ang laman ng speech ng estudyanteng si Kristel Mallari na nagtapos bilang salutatorian ng kanilang klase.
Sa kanyang speech, buong tapang na inilahad ni Mallari ang kanyang karanasan sa eskwelahan. “Sa bawat taon na lumipas ay puspusan ang pag-aaral na ginawa ko sa eskwela, naniwala ko sa patas na labanan.
Sa pagtatapos ng school year na ito’y isang hakbang nalang ang layo ko sa finish line, ngunit sa pagdating ko rito’y naglaho ang pulang tali na sisimbolo sana sa aking tagumpay, naglaho nga ba o sadyang kinuha?” sabi ni Kristel.
Dahil dito, bigla na lamang siyang pinatigil ng isang opisyal ng paaralan, at gamit ang kanyang mikropono, pinasalamatan siya sa kanyang speech, bagamat hindi pa siya tapos.
Hindi naman natinag si Kristel at itinuloy ang kanyang talumpati. “Maraming tao ang nagbulag-bulagan sa isang sistemang marumi at kaduda-duda.
Ngunit di ko ito tinularan, ipinaglaban ko ang sa tingin ko’y tama, nanindigan ako bilang isang Pilipino…,” dagdag ni Kristel. Dito na siya muling pinatigil ng babaeng opisyal.
Ilang beses pang tinangka ng estudyante na ituloy ang kanyang talumpati ngunit tuluyan siyang pinatigil ng opisyal.Tinawag pa ng opisyal ang principal ng paaralan na patigilin si Kristel sa kanyang speech.
Inatasan pa ng opisyal si Kristel na umupo na, bagamat nanatili siyang nakatayo sa entablado para ituloy ang kanyang talumpati.
Lumapit naman ang iba pang opisyal para patigilin si Kristel. Bandang huli, nagdesisyon si Kristel na bumaba na lamang ng entablado.