Mga Laro Bukas
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Barako Bull vs NLEX
7 p.m. Globalport vs San Miguel Beer
SINELYUHAN ng Rain or Shine Elasto Painters ang No. 1 seed at twice-to-beat advantage sa quarterfinals matapos durugin ang Kia Carnival, 119-99, sa kanilang 2015 PBA Commissioner’s Cup elimination round game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nagtala si Rain or Shine import Wayne Chism ng 28 puntos, kabilang ang 6-of-12 3-point shooting, at 12 rebounds para pamunuan ang Elasto Painters, na hinayaan ang 27 puntos na kalamangan na matapyas sa walo bago nagawang maiwanan ang Carnival.
“We had problems all night long with the size and the strength and the power of PJ Ramos,”sabi ni Rain or Shine head coach Yeng Guiao. “But I guess we were able to limit the contributions of their locals that’s why we were able to put up a good lead and protect that lead.”
“The objective really is if he (Ramos) is going to make the points, let’s control the output of their locals and we were able to do that,” dagdag pa ni Guiao.
Gumawa si PJ Ramos ng 45 puntos at 21 rebounds para pangunahan ang Carnival, na nahulog sa 4-7 kartada.
Si Raymond Almazan ay bumida rin para sa Elasto Painters sa kinamadang 16 puntos at siyam na rebounds sa 20 minutong paglalaro. Si Paul Lee ay nag-ambag ng 14 puntos, limang rebounds at anim na assists para sa Rain or Shine, na nagtapos sa 8-3 karta at nakubra ang No. 1 spot bunga ng mas mataas na quotient.