Stuart, Obiena nanaig sa National Track Open

SAPAT ang ginawa nina Fil-Am Caleb Stuart at local Ernest John Obiena para kilalaning kampeon sa discus throw at pole vault na ilan sa mga huling events sa pagtatapos kahapon ng Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.

Nasukat ang hagis ni Stuart sa discus sa layong 48.17 meters para higitan ng mahigit na anim na metro ang pinakamalayong tapon ni Sean Santamina na umabot lamang sa 42.72m.

Ito na ang ikatlong ginto ni Stuart sa tatlong events matapos pangunahan din ang hammer throw at shot put.

“It was a great experience and I’m happy with my performance,” wika ni Stuart.

Dahil dito, balak ni Stuart na salihan ang tatlong events na ito sa Singapore SEA Games.

Kung pagbabasehan ang kanyang mga naipakita, sa hammer throw lamang patok sa ginto sa SEAG si Stuart dahil ang naitalang 64.81m sa hammer ay higit sa SEAG record na 62.23m.

Pero malayo siya sa Myanmar SEA Games bronze medal criteria sa discus (48.17m) at shot put (16.52m) dahil ang mga ito ay nasa 51.96m at 16.85m.

Naalpasan naman ng 19-anyos na si Obiena ang 5m bar para sa ginto sa paboritong event.

Pero kinapos siya na higitan ang 5.20m national record dahil  foul siya sa tatlong attempts sa 5.22m marka.

“Malambot na ang pole. Kailangan na bumili ng bagong pole na mahaba at matigas dahil malakas na ang approach ko,” wika ni Obiena na paborito sa ginto sa SEAG dahil lampas ang national record sa 5.15m gold medal mark noong 2013.

Read more...