Stuart naka-2 ginto sa National Track Open

TULAD ng kanyang ipinangako, nanguna si Fil-American Caleb Stuart sa dalawang sinalihang events sa pagsisimula ng Philippine National Open-Invitational Athletics Championships kahapon sa Laguna Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.

Tampok na panalo ang ginawa sa paboritong hammer throw nang naihagis ang aparato sa 64.81 meters na lampas pa rin sa 62.23m Southeast Asian Games record.

Si Malaysian Jackie Wong Siew Cheer ang pumangalawa sa 63.71m na higit din sa SEAG record habang ang may back injury na si Arniel Ferrera ang pumangatlo sa 29.65m marka.

Ang nagawa ng 24-anyos na si Stuart ay mababa sa kanyang Philippine record na 68.66m na itinala noong nakaraang Biyernes sa Ben Brown Invitationals ngunit sapat para ilagay siya bilang paborito sa event sa Singapore.

Bago ito ay nanguna si Stuart sa shot put sa 16.52m at hiniya si 2013 Myanmar SEA Games silver medalist Adi Aliffuddin Hussin ng Malaysia na may 16.21m.

Ang tansong medalya ay nakuha ni Eliezer Sunang sa 16.05m.

Masaya si Stuart sa nakuhang dalawang ginto pero hindi siya kontento.

“I still have to work on my techniques. But I am happy to have won in my first tournament here,” wika ng 6-foot-2 na si Stuart.

Nanguna sa mga locals si Mary Grace delos Santos ng PAF-A na nanalo sa 10,000m run sa 38:05.83 oras.

Malayo siyang nagwagi kay Jho-An Banayag ng Army-A sa 39:34.65 at Janice Tawagin ng Army-A sa 40:39.56.

Ang pambato sa women’s high jump na si Narcisa Atienza ay nalagay lamang sa pangalawang puwesto dahil ang kanyang 1.75m ay mababa sa 1.84m marka ni Michelle Sng ng Singapore.

Sinalubong ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang 1,500 atleta, kasama ang bisita mula sa anim na bansa, na lumahok sa apat na araw na kompetisyon na inorganisa ng Patafa.

Read more...