Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Blackwater vs Rain or Shine
7 p.m. Meralco vs Purefoods Star
Team Standings: Purefoods Star (7-3); Talk ‘N Text (7-3); Meralco (6-3); Rain or Shine (6-3); NLEX (6-4); Alaska (4-5); Barangay Ginebra (4-5); Globalport (4-5); Barako Bull (4-6); Kia Carnival (4-6); San Miguel Beer (3-7); Blackwater (2-7)
PAGLALABANAN ng defending champion Purefoods Star at Meralco ang unang puwesto sa kanilang pagtatagpo sa 2015 PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-4 ng hapon, umaasa rin ang Rain or Shine na mahihigpitan ang kapit sa unang dalawang puwesto sa salpukan nila ng nangungulelat na Blackwater Elite.
Sa kasalukuyan ay nangunguna ang Hotshots sa record na 7-3 matapos ang tatlong sunud-sunod na panalo kontra sa San Miguel Beer (113-105), Talk ‘N Text (118-117) at Barako Bull (103-96).
Ang Meralco at Rain or Shine ay tabla sa kartang 6-3 samantalang tuluyang nalaglag na ang Blackwater na may dalawang panalo lang sa siyam na laro.
Matapos mapanalunan ang kanilang unang limang laro, ang Meralco ay biglang pumugak at natalo sa tatlo sa sumunod na apat na laban. Sila ay galing sa 108-103 kabiguan buhat sa Alaska Milk noong Martes.
Kung mananalo ang Bolts sa Hotshots ay malamang na masungkit na nila ang No. 1 spot at twice-to-beat advantage sa quarterfinals dahil sa ang huli nilang kalaban ay Blackwater sa Marso 25.
Sa import matchup ay nakalalamang si Denzel Bowles ng Purefoods Star kontra Josh Davis ng Meralco.
Si Bowles ay suportado nina James Yap, Marc Pingris, Joe Devance, Peter June Simon at Mark Barroca.
Katuwang naman ni Davis sina Gary David, Jared Dillinger, Cliff Hodge, Sean Anthony at Reynell Hugnatan.
Ang Rain or Shine ay nakabawi sa 129-114 pagkatalo sa San Miguel Beer nang maungusan ang Barangay Ginebra, 82-79, noong Linggo.
Subalit matapos ang larong iyon ay pinagmulta ng Commissioner’s Office si Beau Belga ng P70,000 at si Raymond Almazan ng P40,000 bunga ng panunuya sa mga fans.
Ang Rain or Shine ay pamumunuan ng import na si Wayne Chism na mkakatapat ni Marcus Douthit.