Handa na ang Aces

FOR a while, marami ang nagsabing dapat ay hindi na raw nagpalit ng import ang Alaska Milk at pinanatili na lang nito si DJ Covington na naghatid sa kanila sa 2-2 record matapos ang unang apat na laro nila sa 2015 PBA Commissioner’s Cup.

Si Covington, na inirekomenda sa Aces ni Sean Chambers, ay pinauwi at hinalinhan ng NBA veteran na si Damion James.
Pero kahit animo nag-upgrade ang Aces sa kanilang import ay hindi nila ito kaagad naramdaman.
Kasi, natalo ng tatlong sunod na games ang Alaska Milk.

Pinayuko sila ng Rain or Shine, 99-89. Sumunod ay naungusan sila ng Barako Bull sa overtime, 93-91. Ang huli’y hiniya sila ng expansion franchise Kia Carnival, 103-89, at nalaglag sila sa 2-5 karta.

Siyempre, dismayado ang lahat.

Bakit nagkaganoon? Bakit hindi sila mabitbit sa panalo ni James? Bakit pa kailangang magpalit gayong inihatid sila ni Covington sa 107-100 tagumpay laban sa Philippine Cup champion San Miguel Beer sa kanyang farewell game?

Malamang na pati si James ay kunsumido rin sa kanyang sarili.

Kasi nga’y ang tingin sa kanya ng mga kakampi ay isang tagapagligtas pero hindi niya iyon nagagampanan.

Well, finally ay dumating din ang inaasam ni James na panalo nang magtagumpay ang Aces kontra Blackwater Elite, 82-68.

Sa larong iyon ay itinala ni James ang walo sa huling siyam na puntos ng Alaska Milk upang masiguro ang tagumpay. Nagtapos siya ng may 29 puntos at 22 rebounds bukod sa dalawang assists sa 40 minutong paglalaro.

Noong Martes ay naituloy ng Alaska Milk ang winning ways nito nang padapain ang nangungunang Meralco Bolts matapos ang double overtime, 108-103.

Pero sa larong iyon ay hindi naman si James ang nagbida kundi ang mga locals na sina Calvin Abueva at Dondon Hontiveros.

Hindi kasi natapos ni James ang laro matapos na mag-foul out sa umpisa ng unang overtime period.

Bagamat naiwang all-Filipino ang Aces ay hindi nila iyon ginamit na alibi upang tanggapin ang pagkatalo. Sa halip ay nagsilbi iyong hamon sa kanila.

Gumawa si Hontiveros ng apat na free throws sa huling 15 segundo upang masiguro ang ikaapat na panalo ng Aaska Milk sa siyam na laro.

Ngayon ay may magandang tsansa ang Alaska Milk na makarating sa quarterfinals at hawak ng Aces ang kanilang kapalaran.

Makakalaban nila ang Talk ‘N Text sa Marso 22 at ang Barangay Ginebra sa Marso 25. Bagamat matitindi ang huling dalawang katunggali ng Alaska Milk, naniniwala si coach Alex Compton na handa na para sa mas mabibigat na pagsubok ang kanyang mga bata. Buo na ang kanilang loob at kaya nilang malusutan ang mga ito.

Read more...