KUNG mapatutunayan niyang siya’y tapat, buhok man niya’y hindi magagalaw. Mula sa 1 Hari 1:52. Isa pa, mula sa Kawikaan 16:18, na naghahayag na, “Ang kapalalua’y humahantong sa pagwasak at ang mapagmataas na isipan ay ibabagsak.”
Tulong, Kris! Saklolohan mo naman ang kuya mo at kung puwede, ngayon mismo, ay ipagtanggol mo na ang kuya mo dahil nakapanlulumo na ang kabi-kabilang dagok sa kanyang buhay sa Malacanang (dagok ang ginamit na salita ng Senado para ilarawan ang nakaaawang sinapit ng soltero).
Mahal ni Grace Llamanzares (at Poe nga ang ginagamit niyang apelyido) ang kuya mo at awang-awa na nga siya sa sunud-sunod na dagok sa kanyang buhay bilang pangulo. Naniniwala si Grace na hindi kawatan ang kuya mo (bagaman napaliligiran siya ng mga ito), pero kailangang managot siya sa pagkamatay ng 44 na SAF.
Ang sabi mo Kris ay naghahanda ka para sa sunud-sunod, o santambak, na kaso ng kuya mo sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2016. Pero, ngayon pa lamang ay sunud-sunod na ang dagok sa kuya mo dahil sa kanyang kapalpakan niya at katigasan ng ulo.
Kris, ipagtanggol mo ang kuya mo dahil tinawag, at binansagan, na siyang “stupid” at “incompetent” bilang reaksyon sa ulat pa lamang, at kapasyahan, ng Board of Inquiry ng National Police, sa pagpupuyat at pamumuno ng Criminal Investigation and Detection Group. Kris, huwag ka namang tahimik hinggil dito, ayon sa iyong mga tagahanga, na nariyan pa para magpakamatay para sa iyong paninindigan.
Kris, ipagtanggol mo ang kuya mo dahil para sa isang abogado, ang Mamapasano massacre ay Exhibit A at Exhibit A-1 sa kapalpakan at kapabayaan ng iyong kuya, di pa rito kasama ang kawalan ng kaalaman ng kuya mo hinggil sa combat at digmaan, bagaman pangulo na siya ng nagugutom na mahigit 100 milyon Pinoy. Sabihin mo naman na hindi palpak at pabaya ang kuya mo.
Kris, kumilos ka na dahil ang batikang mga PR consultant ng kuya mo ay hindi na kayang pagtakpan, pasinungalan at ipagtanggol ang maraming kapalpakan at dagok ng pangulo. Patuloy na nagdadatingan ang foreign journalists bilang paghahanda sa Biyernes Santo na walang Pasko ng Pagkabuhay ng kuya mo, tulad ng naganap noong pabagsak na sina Ferdinand Marcos at Joseph Estrada.
Kris, nawa’y kaya mong tapatan, o kontrahin, ang paghahanda ng CNN Philippines na pagpiyestahan ang pagbagsak ng pamamahala ng kuya mo. Tila handa na sila, ang foreign journalists, na ibalita ang mga huling sandali ng kuya mo sa poder.
Kris, sana’y saklolohan, at matulungan mo, ang iyong kuya sa kanyang pinakakritikal na SONA (state of the nation address), ang huli, sa Hulyo. Showbiz tsismis ka, Kris, baka kaya mong tulungan ang pagtrumpeta ng magagandang nagawa, hangga’t di ito bubugahan ng mga sasagasaang kritiko.
Kris, pati ang iilan, o natitirang, mga buhok ng kuya mo ay hinihimay na at pinagpipiyestahan ng pintakasing mga kritiko, isa riyan ay inilathala pa bilang sumisigaw na balita. O baka naman puwede kang humingi ng payo sa ka-istasyon mo nang resbakan niya ang tumuligsa sa kanyang matigas, at embalsamadong, buhok?
Pero, sa Lumang Tipan pa lamang ay pinakialaman na ang buhok,na hindi ito magagalaw kung naglilingkod lamang siya nang tapat (1 Hari 1:52). Sa Kawikaan 16:18, nawawasak ang palalo at ibinabagsak ang mayabang. Puwede mo ba siyang paalalahanan, o utusan, na maging mapagkumbaba (o kalabisan na ito at panghihimasok na sa kanyang katauhan)?
Kris, kailangan mo nang ipagtanggol ang kuya mo dahil pinagtatawanan na si Feliciano Belmonte sa pilit na pilit na pagtatanggol sa kanya. Mantakin ba namang sabihin ng matanda na hindi maaaring patalsikin sa puwesto si Aquino dahil sa kanyang kapalpakan (kung empleyado lang si Aquino sa Makati ay matagal na itong sinibak).
Sa kabila ng nakahihimatay na mga puna’t batikos kay Benigno Simeon Aquino (tulad ng naganap daw sa isang miyembro ng kanyang pamilya na di na makapaniwala na lumulubog na sa kumunoy ng kawalan ng tiwala ang kanyang kadugo), hindi na ako naniniwala na dapat siyang magbitiw sa puwesto o nakahihiyang patalsikin ng taumbayan, tulad ng kinahinatnan nina Ferdinand Marcos at Joseph Estrada. Diyan ka lang, Aquino.
Ayon sa isang taga-Palasyo, napakalungkot ni Aquino kahapon at mistulang nagkukulong na lang sa nawalan nang siglang Malacanang. Hindi na siya makalabas at mas lalong ayaw na niyang makipag-usap sa mga estudyanteng nagtatapos (panahon ng graduation ngayon, at wala pang commencement exercises ay kinakausap na ni Oscar Malapitan ang mga estudyante, lalo na nang mamahagi ito ng tig-P2,500 bilang College Assistance Plan, na sinang-ayunan naman ng Konseho Siyudad).
Meron pa rin tayong pangulo. Ang kaibahan lang ni Aquino kay Estrada ay nasa Malacanang pa rin si Aquino, samantalang si Erap ay sumakay na sa lantsa na maghahatid sa kanya sa ibayo ng kawalang kapangyarihan.
Pero, napakalungkot at di masayod na dalamhati ang nararamdaman ng pangulo na tanging ang mga kaibigan na lang ang nakikita sa buong maghapon at magdamag. Nakababaliw ang ganitong paligid para sa mapagkalinga at maka-Diyos na pinuno, pero para sa tunay na baliw, ito ang paraiso sa institusyong mental.
Sa Ayala, Makati, sinusurot ng kanyang konsensiya ang oportunistang negosyante na miyembro ng malaking business organization. Nanawagan siya sa pagbibitiw ni Gloria Arroyo noong 2004 dahil natangay siya ng agos ng Hello Garci, na matinding kinontra ng matatapang na masa’t mga lider sa Cebu.
qqq
Kilalang-kilala ang negosyanteng ito. Bakit ngayong talamak ang pagnanakaw sa gobyerno ng mga galamay at KKK ni Aquino, at ang Mamapasano massacre, ay hindi siya sumama sa mga obispo na nagsusulong sa pagbibitiw ni Aquino? Sagot: makapal kasi ang mukha niya at matagal na siyang kumita sa masipag na middle class. Kilala ninyo siya: ang puting tsonggo na nasa delantar ng mga demonstrasyon kontra GMA. Pamaka-Makati business pa, waktu!
qqq
Habang papatapos na ang aming novena kay Santa Agatha para sa lahat ng babae na may breast cancer ay napabalitang namatay si Liezl, ang anak nina Amalia Fuentes at Romeo Vasquez. Maraming healing prayer groups sa National Shrine of the Divine Mercy sa Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan ang may kanya-kanyang novena para sa mga maysakit.
qqq
Pero, higit na nakararami ang mga kahilingan ngayon para sa may sakit na breast cancer. Nang simulan namin ang novena kay Santa Agatha ay inalis na namin ang napakaraming pangalan na humihiling ng panalangin at inialay na lang ito sa lahat ng babae na may sakit na breast cancer, o nagpapakita ng sintomas nito.
qqq
Sa mga bahay kalinga at depressed areas sa Bulacan, maraming babae ang may sakit na breast cancer at tanging ang panalangin na lamang sa mga Santo at sa Banal na Awa ang kinakapitan. Hindi sila kilala at hindi malalaki ang kanilang mga apelyido, tulad ni Liezl Martinez.
qqq
Nang buksan ang Divine Mercy 20 taon na ang nakalilipas, isang babae na may breast cancer ang dumulog para sa panalangin. Hanggang ngayon ay buhay pa siya at naglaho na ang cancer. May magagawa ang Diyos sa mga may sakit na breast cancer.
qqq
MULA sa bayan (0906-5709843): Bakit bibigyan ng maraming kapangyarihan ang mga Muslim sa Mindanao? Iilan lang naman sila sa Mindanao at wala pa silang apat na milyon. At ang mga Moro na kinakatawan ng Moro Islamic Liberation Front ay ay kulang pa ng isang milyon. Dr. Lina, Iligan City …8664
qqq
Ako’y isa sa sugatan sa Mamasapano at pinakiusapan kaming huwag magsalita sa media. Pero, kailangan kong iparating ito.
Namatay ang aming mga radyo, lowbatt ang cell phone ko, pumapalya ang riple ko at hindi sumabog ang granada ko. Hindi ko alam kung nasaan si com (ground commander). …5411