Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena)
12 n.n. Cagayan Valley vs AMA University
2 p.m. MP Hotel vs Cebuana Lhuillier
4 p.m. Liver Marin vs KeraMix
TATLO sa apat na koponan na magkakasalo sa liderato sa 2015 PBA D-League Foundation Cup ang sasalang sa aksyon ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Unang sasalang sa ganap na alas-12 ng tanghali ang AMA University laban sa Cagayan Rising Suns bago sundan ng pagtutuos ng Cebuana Lhuillier at MP Hotel dakong alas-2 ng hapon at tatapusin ng pagkikita ng Liver Marin at KeraMix Mixers dakong alas-4 ng hapon.
Tinalo ng Titans ang Liver Marin, 88-81, sa unang laro ngunit masusukat ang kanilang lakas ng Rising Suns na pumangalawa sa Aspirants’ Cup.
Determinado ang tropa ni Cagayan Valley coach Alvin Pua na magkaroon ng magandang panimula para patunayan na matibay pa rin ang kanilang puwersa kahit nawala na ang top rookie pick na si Moala Tautuaa.
Ang 6-foot-7 na Fil-Tongan ay nasa Gems na at nagpasikat agad nang kumulekta ng 34 puntos sa 86-85 come-from-behind win laban sa Café France.
Inaasahang walang magiging problema ang Gems sa pagtuhog sa 2-0 baraha dahil ang Warriors ay inilampaso ng Mixers, 87-60, sa kanilang tagisan.
Ang momentum na hawak ng Mixers ang siya nilang sasandalan para ipalasap sa Liver Marin ang kanilang ikalawang sunod na pagkatalo.
Ang Aspirants’ Cup champion Hapee Fresh Fighters ang kukumpleto sa 10 koponang kalahok at magbubukas sila ng kampanya sa ikalawa at huling conference sa Lunes.