KUNG sikat na sikat ngayon ang tambalan nina Enrique Gil at Liza Soberano dahil sa tagumpay ng kanilang Primetime Bida series na Forevermore, aba, bigla ring naging maingay ang pangalan ng ka-love triangle nila sa kuwento.
Kung dati’y hindi masyadong napag-uusapan ang anak nina Teresa Loyzaga at Cesar Montano na si Diego Loyzaga, ngayon ay maingay na rin ang kanyang pangalan dahil nga sa pagkakasali niya sa Forevermore.
Ayon sa binata, hindi niya akalain na tatatak agad sa manonood ang kanyang karakter sa nasabing soap opera ng Dos kaya nagpapasalamat siya sa lahat ng sumusuporta sa Forevermore at sa mga bossing ng ABS-CBN na nagtiwala sa kanyang kakayahan bilang aktor.
In fairness, mas naging kaabang-abang ang kuwento ng serye dahil sa “panggugulo” ni Diego sa loveteam nina Liza at Enrique, kumbaga, mas naging exciting at mas nagkaroon ng kilig dahil sa dalawang lalaking nag-aagawan sa napakahaba ng hair na si Liza. Ha-hahaha!
Anyway, natutuwa rin si Diego na tanggap agad ng fans nina Liza at Enrique ang kanilang love triangle, bihiraw raw siyang makatanggap ng mga negatibong komento mula sa netizens at viewers, ibi sabihin, hindi siya itinuturing na matinding threat sa “relasyon” nina Agnes at Xander (ang mga karakter nina Liza at Enrique sa Forevermore).
Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang mga nakakakilig at nakaka-inspire na mga eksena sa Forevermore gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng Dream Dad.
Kuwento nga ng mga bida sa programa, napakarami pang mangyayari sa buhay nina Xander at Agnes – pero ang talagang dapat abangan ng manonood ay kung paano muli magkakaayos ang dalawang bida at kung may happy ever after pa sa kanilang pag-iibigan.
Kasama pa rin sa Forevermore sina Joey Marquez, Irma Adlawan, Zoren Legaspi, Lilet at marami pang iba, sa direksion pa rin ni Cathy Garcia Molina.