Sinamahan si Claudine Barretto ng kanyang mga magulang nu’ng dumalo siya sa pagdinig ng kasong isinampa nila ni Raymart Santiago laban sa nakaengkuwentro nilang beteranong kolumnista-radio-TV anchor na si Mr. Ramon Tulfo.
Ayon kay Mommy Inday ay ayaw raw umalis ng bahay ni Claudine nang hindi sila kasama, matindi raw ang takot ng kanyang anak, kaya nandu’n sila ni Daddy Mike.
Pero maraming nagtatanong, bakit hindi man lang sinusuportahan nina Gretchen at Marjorie si Claudine, bakit magpahanggang ngayon ay tahimik pa rin ang dalawa tungkol sa kontrobersiyang kinasangkutan ng kanilang bunsong kapatid?Kung matatandaan ay nagkaroon nang matinding hidwaan noon sina Gretchen at Claudine na pinagpistahan ng publiko, matindi ang kanilang away nu’n, maraming pinakawalang salita noon si Gretchen na hindi kagandahan tungkol kay Claudine.
Nagkabati man sila ay hindi pa rin siguro ganu’n ka-close ang magkapatid, nagkaroon na siguro ng pader sa kanilang pagitan, dahil kuyog din ang magkakapatid na ito.
Saktan mo ang isa sa kanila at parang sinaktan mo na rin ang lahat, nagdadamayan sila, kaya nakapagtataka ang pangyayari ngayon na hindi man lang pumapasok sa eksena sina Gretchen at Marjorie.
Bakit nga kaya?