Isang tao na naman ang lumapastangan sa kapangyarihan ng Twitter.
Isang nilalang na naman ang gumamit sa Twitter sa maling paraan.
Hindi nito ginamit ang Twitter sa pakikipagkomunikasyon kundi para manira ng isang personalidad na kung tutuusin ay nasa kanilang bakuran pa.
Galit na galit ngayon ang Megastar na si Sharon Cuneta sa isang tauhan ng ABS-CBN, ang sipsip sa Dos na si Eric John Salut, dahil sa mga pinagsasasabi nito laban kay KC Concepcion.
Naghahamon ang bakla, gusto raw ba ng mga fans ni KC na ibulgar nito ang mga baho ng kanilang idolo?
Baka raw hindi nila kayanin ang mga pasasabugin nito?
Natural, anak na niya ang winawasak, sumaklolo si Sharon, pinatulan niya ang nagmamagaling na bayarang PRO ng ABS-CBN. Kauna-unawa ang aksiyon ng aktres, walang inang pababayaan na lang na laitin ng kahit sino ang kanyang anak, lalo na kung wala namang katotohanan ang mga ipinagkakalat ng taong ‘yun tungkol sa kanyang laman at dugo.
Ang ganitong kaganapan ay nakaaalarma sa ABS-CBN.
Bakit nila pinababayaang gumawa ng ganyan ang kanilang empleyado, artista pa naman nila ang inuupakan nito, nasaan naman ang respeto para sa kanilang mga kontratadong personalidad?
Natural, ano ang iisipin ng mga nakakabasa ng mga paninira nito sa mismong artista nila, ang utak sa likod ng kanyang mga ginagawa ay ang kanyang mga amo mismo.
Ang nabubuong insinwasyon tuloy ngayon ay ang kanilang empleyado ang ipinambabala nila sa kanyon, ito ang tagaupak nila sa mga personalidad na ayaw na nila, pailalim kung ganu’n lumaban ang mga bossing ng network at ibang tao ang kanilang ipinopronta.
Mahalay sa panlasa ang ganito. Nasa kanilang bakuran pa si KC, pero sinisiraan na ng tagaroon din, kung sana’y tagaibang network ang umuupak sa batang aktres.
Kapag hindi agad nahinto ang ganitong trabaho ni Eric John Salut ay malalagay ang istasyon sa hindi magandang sitwasyon, sayang na sayang ang kanilang ipinagsisigawan bilang pagkakakilanlan sa kanilang network,
Kapamilya pa naman silang naturingan pero wala naman pala silang malasakit, pagmamahal at proteksiyon sa kanilang mga nasasakupan.