TULAD ng inaasahan, ang Fil-Am na si Iris Tolenada ang siyang kinuha bilang top pick ng Philips Gold sa isinagawang 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Annual Draft sa SM Aura sa Taguig City.
Tinanggap ni Tolenada ang jacket mula kina coach Francis Vicente at kay Atty. Eric Anthony Ty na siyang team manager ng koponan.
Kinuha bilang number two sa drafting na pinangasiwaan nina PSL president Ramon “Tats” Suzara at chairman Philip Ella Juico at suportado ni Taguig City Mayor Lani Cayetano katuwang si Rep. Lino Cayetano at SM Management ay ang dating UP spiker na si Angeli Araneta.
Ang Foton ang kumuha kay Araneta na magpapatibay sa kanilang pag-atake.
Ang third pick ay napunta sa Cignal at ang liberong si Rica Enclona ang napili. Ang mga sumunod na draft picks sa first round ay sina Rizza Jane Mandapat ng Shopinas (4th), Therese Veronas ng Shamac (5th) at ang Fil-Am na si Alexa Micek ng Petron.
Dalawang rounds lamang ang isinagawa sa pilian ng mga bagong manlalaro at ang mga nakuha ay sina Desiree Dadang (Philips Gold), Denise Lazara (Foton), Diane Ticar (Cignal), Djanel Cheng (Shopinas), Samantha Dawson (Shacman) at Ivy Perez (Petron).
Nasasabik ang Philips Gold (dating Mane ‘N Tail) dahil nakuha nila ang mga manlalarong pinaniniwalaang makakatulong sa kanilang kampanya para manalo ng titulo sa All-Filipino Conference.
“With Tolenada and Dadang, I think we can compete with any team in this league,” wika ni Ty.