Must win ang SMB

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Meralco vs Barako Bull
7 p.m. San Miguel Beer vs Rain or Shine
Team Standings: Talk ‘N Text (6-2); Meralco (5-2); Rain or Shine (5-2); Purefoods (5-3); Ginebra (4-4); Barako Bull (4-4); Globalport (4-4); NLEX (4-4); Kia Carnival (4-5); Alaska (3-5); San Miguel (2-6); Blackwater (2-7)

BUHAY at kamatayan ang nakataya para sa San Miguel Beer sa pagsagupa nito sa Rain or Shine sa una sa tatlong natitira nitong must-win games sa 2015 PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.

Sa alas-4:15 ng hapon na opener, pipilitin ng Meralco na wakasan ang two-game losing skid sa pagkikita nila ng Barako Bull.

Ang Beermen, na nagkampeon sa nakaraang Philippine Cup, ay galing sa 102-91 panalo kontra Barako Bull at nanatiling buhay ang pag-asang umabot sa quarterfinal round. Mayroon silang 2-6 karta at kasalukuyang nasa ika-11 puwesto sa liga.

Tabla naman sa ikalawang puwesto ang Rain or Shine at Meralco sa kartang 5-2 sa likod ng nangungunang Talk ‘N Text (6-1). Galing ang Elasto Painters sa tatlong dikit na panalo laban sa Purefoods Star (78-71), Alaska Milk (100-89) at Barako Bull (103-91).

Sa import matchup ay magkikita sina Arizona Reid ng Beermen at Wayne Chism ng Elasto Painters. Ito ang unang pagkakataong makakatunggali ni Reid ang dati niyang koponan. Si Reid ang resident import ng Rain or Shine sa third conference.

Inaaasahang magbabalik sa active duty para sa SMB ngayon ang sentrong si June Mar Fajardo matapos magtamo ng sprained ankle sa huli nilang laro. Makakasama niya sina Arwind Santos, Marcio Lassiter, Chris Lutz at Alex Cabagnot.

Si Chism ay susuportahan nina Gabe Norwood, Paul Lee, Jeff Chan, Beau Belga at Ryan Araña.

Read more...