Kaso ni MON TULFO laban kina CLAUDINE at RAYMART lumakas

Dahil sa pagso-sorry sa 2 airport attendants

Humingi na ng paumanhin si Claudine Barretto sa dalawang ground attendants na napuruhan ng kanyang pagtalak at pagmumura diumano nu’ng nakaraang May 6 sa Terminal 3 ng NAIA na naging dahilan ng away nila ni Mr. Ramon Tulfo.

Pumapasok na ngayon sa ikatlong linggo ang kontrobersiya sa pagitan ng mag-asawa at ng beteranong kolumnista-radio-TV anchor, marami nang nadamay sa kaguluhan, pero ngayon lang nanghingi ng paumanhin ang aktres sa dalawang empleyado ng Cebu Pacific.

‘Yun ang isyung madiing idinenay ni Raymart Santiago, hindi raw kailangang mag-sorry ang kanyang misis, dahil wala namang ginawang masama sa mga ground attendants si Claudine.

Paano kaya ngayon haharapin nina Raymart at Claudine ang mga bagong komentong ipinupukol sa kanila ng marami, wala palang kasalanan si Claudine, pero bakit kailangan siyang manghingi ng sorry sa dalawang babae? Sabi ng kampo ni Mr. Ramon Tulfo ay maganda ang ginawang panghihingi ng paumanhin ng aktres dahil mas pinatibay lang nu’n ang laban ng kanilang kliyente.

Lumalabas tuloy na totoong nagkaroon ng kaguluhan na kumuha naman ng atensiyon ng kolumnista, kinukunan na nito ng mga retrato ang kaganapan, nang bigla itong sugurin ni Raymart para agawin sa kanya ang cellphone.

Ang kuwestiyon ngayon ay kung sinsero ba naman ang ginawang pagso-sorry ni Claudine, hindi raw kaya napilitan lang siyang gawin ‘yun, dahil para na siyang daga na nasukol sa lungga?

At kumakagat ang naging pahayag ng ina ng isa sa dalawang ground attendants, “Artista siya, nakakaiyak siya, nakakatawa anumang oras, kaya puwede niyang gawin ang lahat.”

Pero sa totoo lang, hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin sa utak ng ating mga kababayan ang ginawang pagkubabaw ni Claudine Barretto kay Mr. Ramon Tulfo habang sinasakal naman ni Raymart Santiago at pakuyog nilang binugbog, matatagalan pa bago mabura ang eksenang ‘yun sa isip nating lahat.

Read more...