LALONG inilalayo ni Pangulong Aquino ang kanyang sarili sa kanyang mga boss. Unti-unti na rin humihiwalay sa kanyang anino hindi lamang ang kanyang mga kaanak kundi maging mga kaibigan at kaalyado gaya na lamang ni Akbayan Rep. Walden Bello.
Kahapon, tuluyan nang kumalas si Bello sa Akbayan, isang partylist group na kilalang kakampi ni Ginoong Aquino.
Pormal na ring nag-withdraw ng kanyang suporta si Bello sa pangulo na ilang beses na rin niyang binanatan dahil sa iba’t ibang kontrobersyal na isyu, at ang pinakahuli rito ay ang napipintong cover-up umano sa Mamasapano incident.
Gaya ng maraming Pilipino, napuno na rin marahil si Bello kay Ginoong Aquino, lalo na sa ugali nito na mahilig manisi para lamang mailigtas ang sarili mula sa mga responsibilidad.
Matatandaan na ilang beses na binanatan ni Bello si Ginoong Aquino kahit sila ay magkaalyado. May isang pagkakataon na hindi matanggap ni Ginoong Aquino ang mga pagbatikos ng kongresista kung kayat pabalbal niya itong sinagot na “bakit hindi ka tumakbong presidente?”
Ayon kay Bello, nagbitiw siya dahil hindi niya makonsensiya na ang pangulo ng bansa, na siya ring commander-in-chief ng Pambansang Pulisya at ng Sandatahang Lakas, ay “naghuhugas-kamay sa isang misyon na siya mismo ang nagplano at nag-execute”, at makalipas ay ituturo ang lahat ng sisi sa sinibak na hepe ng Special Action Force.
Para kay Bello, si Ginoong Aquino ay isang kahihiyan sa pwestong kanyang inookupa.
Sino nga ba naman ang susuporta sa isang pangulo na hindi kayang panindigan ang kanyang mga pinlano at ginawa, kahit pa sabihin na ito ay naging palpak dahilan para malagas ang buhay ng 44 SAF commando?
Sino nga ba naman ang susuporta pa sa pangulo na hindi kayang umako ng responsibilidad, at ang tanging kayang gawin ay magbunton ng sisi sa iba?
Ang pagkalas ni Bello sa administrasyon ay hindi malayong masundan pa. Hindi rin malayo na ang iba sa kanila ay baka manggaling pa sa pulisya o sa Sandatahang Lakas na naging sentro ng kontrobersya na may kinalaman sa Mamasapano.
Maaari ngang hindi kawalan si Bello sa administrasyon o sino mang susunod pa sa kanya, gaya na rin nang ipinahihiwatig ni Speaker Feliciano Belmonte at nang iba pang mga sipsip sa Palasyo.
Ang masakit nito ay kapag ang taumbayan na ang kumalas at tuluyang isuka si Ginoong Aquino.
Hindi malayong mangyari na guguho ang pagtitiwalang ibinigay sa kanya ng sambayanan lalo na sa paglabas ng resulta ng mga isinagawang imbestigasyon hinggil sa Mamasapano incident.
Kung hindi magiging maingat ang kampo ni Ginoong Aquino sa paghawak ng kontrobersyang dala ng Mamasapano incident, asahan na lalo lamang nilang i-nilalayo ang pangulo sa sambayanan o sa kanyang mga iti-nuturing na boss, kung boss nga ba talaga ang turing niya sa mga ito.