ANO ba ang nangyayari sa ating mahal na Pangulong Noynoy?
Sinisisi niya ang iba sa Mamasapano massacre maliban ang kanyang sa-rili. Hindi yan gawain ng isang tunay na lider. Inaako ng tunay na lider ang pagkakamali at hindi pinapasa ang sisi sa ibang tao.
Ang paninisi niya kay Director Getulio Napenas, sinipang chief ng Special Action Force (SAF), ay nagpapakita na walang nagbibigay ng magandang payo sa hanay ng kanyang mga advisers; o baka naman ayaw niyang mapayuhan.
Umani ng maraming batikos si P-Noy sa kanyang paninisi kay Napenas, at isa na rito si Akbayan party-list Rep. Walden Bello, isang masugid na kaalyado ng Malacanang na nakapaghiwalay na ng landas sa Pangulo.
Masakit ang binitiwang salita ni Bello kay P-Noy: “This is the latest development in the shrinking of the man from a credible President to a small-minded bureaucrat trying to erase his fingerprints from a disastrous project.”
“Small-minded bureaucrat.” Napakababa namang description niyan sa Pangulo ng bansa! Inihahambing ni Bello si P-Noy sa isang government clerk.
Dapat siguro ay itigil na ni P-Noy ang pakikipaglaro ng war games kay Joshua, na kanyang pamangkin dahil nakakabobo ito.
Dahil mahilig siya sa war games, dapat siguro ay magbasa siya ng biography ni Gen. Dwight Eishenhower, commander ng Allied Forces sa Europe noong Ikalawang Digmaan.
Bago isagawa ang landing sa Normandy ng mga Allied troops, sumulat si Eishenhower ng liham na bubuksan lamang kapag ito’y hindi naging matagumpay.
Sa sulat, sinabi ng five-star general na naging US president na inaako niya ang kapalpakan ng Allied landing sa Normandy.
Ang Normandy landing ang naging turning point ng giyera sa Europe. Ito ang nagresulta sa pagkatalo ng Nazi Germany.
Hindi nailabas at naipadala ang sulat ni Eishenhower sa White House.
Malaking kawalan si Bello kay P-Noy dahil siya ay isang responsible at iginagalang na miyembro ng House of Representatives.
Kung si Bello ay bumabatikos sa Pangulo bago siya humiwalay sa kanya, ito’y tanda ng pagiging tunay niyang kaibigan.
Ang isang tunay na kaibigan ay nagsasabi ng iyong mga kamalian; hindi lang niya sinasabi ang gusto mong marinig.
Ang batikos ni Bello kay P-Noy sa paninisi nito kay Napenas ay panghuli na sa marami niyang batikos sa Pangulo bago siya humiwalay dito.
Nag-react ang Pangulo sa batikos ni Bello at sinabi nito na dapat ay tumakbo siya sa 2016 presidential election.
Alam ng Pangulo na hindi mananalo si Bello, pero naisip ba ni P-Noy na kung hindi namatay ang kanyang ina, si Cory Aquino, siya kaya ay nanalo noong 2010 presidential election?
Ang balitang nakalap ng inyong sa isang reliable source sa gobiyerno tungkol sa Mamasapano encounter ay humingi si Napenas ng artillery and air support sa military ay hindi siya pinagbigyan.
Pinigilan daw ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles ang military na huwag kanyunin at bombahin ng mga eroplano ang kinalalagyan ng mga rebelde na nakalaban ng SAF troopers.
Ayaw daw ni Deles na masira ang peace negotiations ng gobiyerno sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Kung totoo ang balita, susmaryosep ka Deles, kanino ka ba kumakampi, sa gobiyerno o sa MILF?