ANGELINE QUINTO: Sobrang yummy ni COCO MARTIN!

Kuwela, babaeng-bakla, matabil na nakakatuwa, natural at walang pretensyon.

Ilan lamang iyan sa mga nakita naming katangian ni Angeline Quinto ng muli namin itong makaharap sa presscon ng “Born To Love You” ng Star Cinema.

Mukhang nahubog na nga ng showbiz ang kabaklaang personalidad ni Angge na ngayo’y susubukan naman sa pagiging actress sa kanyang launching movie with Coco Martin.

Hindi ka maiirita sa kanya kahit na may pagkataklesa siya, para lang kasi kayong magkapitbahay o magkasama sa bahay kung makipag-usap, “Ewan ko po ba kung ano ang nakita nila sa akin, pero talagang gusto ko rin naman po ito,”  tsika ni Angge na nauna ngang nakilala bilang champion sa Star Power.

“Tingnan mo ako dati sinasabi ko lang na type na type kong makatrabaho si Coco. Ayun, dininig ng Maykapal, wish granted! Pelikula pa!” hirit nito sabay dagdag ng, “Kaya nga mag-iinarte pa ba ako sa pagsasamantala sa kanya?

He is so yummy! ng bango-bango ng hininga ni Coco!” sunod-sunod pa nitong pahayag about her leading man na may kunek sa mga kissing scene nila sa movie.

Pero bukod nga sa kanyang grabeng paghanga kay Coco ay napatunayan din naman niyang marunong siyang mag-emote at umarte, “Sa galing po ng mga kasamahan ko rito, sobra namang nakakahiya kung hindi ko gagalingan.

Baka masabihan nila ako na kumanta na lang,” chika pa ni Angge.

Well, tunay nga namang mga batikan ang kasama nila sa “Born To Love You” tulad nina Albert Martinez, Eula Valdez, Tonton Gutierrez, Al Tantay at Malou de Guzman.

Showing na ang movie sa May 30 at bahagi pa rin ito ng ika-19 na anibersaryo ng Star Cinema.

Read more...