PERSONAL na nakipagkita si Robin Padilla kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte para pilitin itong tumakbo sa 2016 elections.
Kumalat sa social media kahapon ang Instagram photo na ipinost ni Binoe kung saan makikita ang pakikipagkita niya kay Duterte, kasama pa ang kapatid na si Rommel Padilla.
Nilagyan ito ng action star ng caption na: “And his words will soon be Flesh…Katipunan, the dream must now be realized… Let the Punisher begin.”
Ayon sa ulat, nagtungo ang grupo ni Robin sa Davao para personal na makipag-meeting kay Duterte nitong nakaraang Sabado para hikayatin ang alkalde an tumakbo bilang pangulo sa eleksiyon 2016 para mas mapalawak nito ang kampanya laban sa corruption, droga at krimen.
Kasabay nito, kinausap din ni Binoe si Duterte para sa plano niyang pagsasapelikula ng buhay ng Davao mayor, pero agad-agad daw tumanggi ang politiko.
Nagbiro naman daw ang alkalde na kaya ayaw niyang gawing pelikula ang life story niya dahil maraming kailangang leading ladies. Hindi ito ang unang pakakataon na may nakipag-usap sa mayor para gawing pelikula ang kanyang makulay at kontrobersiyal na buhay.
Sa katunayan, pati ang mga organisasyon na gustong magbigay ng award sa kanya ay hindi niya pinagbibigyan, “I am just doing the job which the people of Davao wanted me to accomplish,” anito sa isang interview.