PACMAN: HE CAN RUN BUT HE CANNOT HIDE

HINDI lulubayan ni Manny Pacquiao si Floyd Mayweather Jr. kapag nagkita na sila sa ring sa Mayo 2.

Ginagawa ni Pacquiao ang lahat para matiyak na nasa magandang kondisyon siya sa gabi ng laban upang hindi mapagod sa kahahabol sa pound-for-pound king sakaling tumakbo ito sa ring.

“He can run but he cannot hide,” wika ni Pacquiao sa Agence France-Presse.

Hindi rin siya nababahala sa mga ulat na binayaran ni Mayweather ang mga sparmates na kinuha para tulungan siya sa pagsasanay upang madiskaril ito.

Ang mahalaga ayon pa kay Pacman ay matiyak na masunod ang kanilang plano dahil sila lamang ni Mayweather ang nasa ibabaw ng ring sa takdang laban.

Kumbinsido rin ang kababata at trainer na si Buboy Fernandez sa kakayahan ni Pacquiao na talunin si Mayweather dahil tunay na lumakas pa ang mga suntok ng Pambansang Kamao dahil sa ilang taong pagsasanay.

“His punches now are sharper and harder than before,” wika ni Fernandez na naputukan sa labi nang di sinasadyang tinamaan ng kaliwang upper cut habang isinasagawa ang pagsasanay sa mitts.

Bagamat diskarte ni Pacquiao ang habulin si Mayweather sa kanilang laban, hindi naman ito mangangahulugan na magpapabaya ito tulad sa nangyari sa laban nila ni Juan Manuel Marquez.

Nagbayad si Pacman nang ibaba ang depensa sa puntong pakakawalan ang inakalang pamatay na suntok sa nasaktang si Marquez.

Naunang tumama ang Mexicano at bumuwal si Pacquiao tungo sa sixth-round knockout na kabiguan noong 2012.

“He has learned a big lesson out of that. He became more cautious and has matured a lot as a fighter,” dagdag ni Fernandez na siyang tumutulong sa paghahanda ni Pacquiao habang nasa Macau si Freddie Roach kasama si Zou Shiming na pakay ang IBF flyweight title.

Sinabi naman si Roach na dapat talunin ni Pacquiao si Mayweather.

Ang mga titulo sa WBC, WBA at WBO sa welterweight ang paglalabanan nina Pacquiao at Mayweather.

Read more...