O IMMACULATE Heart of Mary, refuge of the human race, you have given unto us the means of destroying the menace of terrorism. We grieve for the victims of these people who hurt and kill the innocent. Grant we ask you, O Mother that peace may come to those who suffer the presence of these people. We promise to make reparation to your Immaculate Heart: through the Rosary and the Five First Saturday devotion, that those terrorists may again hear the word of God and keep it. May Jesus touch the hearts of these people misled by so much hatred!
Iyan ang ikawalong araw ng intensyon sa Conversion of Terrorists sa siyam na araw na novena sa Birhen Fatima. Sa nakalipas na Pebrero, isang buwan dumalaw sa bansa ang poon ng Birheng Fatima at una siyang humimpil sa dambana ng Nuestra Senora de Guia sa Ermita, Maynila.
Sa isang buwan na pagdalaw ng pandaigdigang Birheng Fatima, inilibot at inilagak Siya sa pangunahing mga simbahan at dambana sa Luzon, Visayas at Mindanao, ang kalan ng nagbabagang sigalot at pugad ng dayuhang mga terorista (mukhang ang mga taga-Metro Manila na lang ang hindi alam na matagal nang namamahay ang dayuhang mga terorista sa Mindanao).
Sa buwan din ng Pebrero, sa huling bahagi nito, iniutos ni Cardinal Tagle sa mga diocese ang pagdarasal ng Oratio Impereta sa mga Misa sa lahat ng parokya, layon at hiling ang paglatag ng katahimikan sa Mindanao, ang pananagumpay ng liwanag sa karimlan, ang pamayan ng tao laban sa demonyo.
Ang ilang bahagi ng Mindanao ay itunuring na “infested” at ang “demonic activity” ay nakasentro sa ilang teritoryo. “Evil spirits are very territorial by nature,” ani Father Jose Francisco (Jocis) Syquia, hepe ng tanggapan ng exorcism sa arkdiyoseso.
Pinagtatawanan ang Ikalawang Aquino ng dating Green Beret sa Vietnam at retiradong kawal, na residente ngayon ng Charlotte. Alam niya na ang butihing anak nina Ninoy at Cory (Anak, bakit ka nagkaganyan, anang t-shirt) ang siyang namuno sa operasyon sa Mamasapano (Ah noo, I ain’t stupid, anang Green Beret).
“Obama sent elite soldiers and SEALs, not cops,” anang Green Beret. Walang pakialam ang Green Beret sa kasunduan ng solterong pangulo sa mga Moro dahil ang alam niya ay lahat ng Kano ay may misyon na patayin si Osama Bin Laden at Marwan.
Pero, hindi naman si Bin Laden ang “kinuha,” sa Mindanao kundi si Marwan. Humalakhak ang Green Beret at sinabing, “You Filipinos told cable news that Marwan was the Bin Laden of Asia!” Amen.
Araw-araw nang sablay ang mga tagapagsalita ni Aquino (dahil pilit pa rin nilang itinatago ang katotohanan). Ayon sa isang estudyanteng tagapagsalita, kapag bumagsak daw ang tulay at may obrerong namatay, hindi raw dapat isisi ito kay Aquino.
Tama, dahil si Aquino ay hindi inhinyero o arkitekto o kapatas. Mali ang tagapagsalita nang ikumpara niya ito sa Mamasapano.
Ayon sa Green Beret na nakaligtas sa pambobomba noong Tet habang sukol na sa bunker, hindi tanga ang mga pulis na umabante sa Mamasapano nang walang tatakbuhan o pagtataguan. Ang tanga ay ang nag-utos sa kanila na umabante, kahit nabalam na at wala palang lalabasan at pagtataguan.
Talagang ibinuhos na nga sa Pilipinas ang santambak na mga tanga. Mantaking mahigit sa kalahati ng mga puwesto sa National Police ay “acting” o “OIC.” Para sa isang opisyal na may tuliling sa Northern Police District, kapag “acting” o “OIC” na lang ang opisyal, matulog na lang siya sa pansitan dahil wala namang magagawa kung magsisipag.
Kaya pala lahat ay nakasalampak na lang ang mga tamad na opisyal ng PNP. At ang tawag diyan, ayon sa dating kaalyado, ay noynoying.
Nang dahil sa sinapit ng SAF 44, halos lahat ng miyembro ng graduating class sa Philippine National Police Academy ay ibig pumasok sa PNP SAF. Kimkim nila ang galit sa mga Moro, anang isang NUP (non-uniformed personnel).
Ganito rin ang galit (at mas masidhi pa) na naramdaman ng buong Philippine Military Academy nang walang kalaban-labang patayin ng mga Moro ang mahigit 30 sundalo na kinabibilangan ng isang heneral at tatlong koronel sa palengke sa Patikul, Sulu noong Oktubre 1977. Pero, hindi maiganti ng mga PMAyers ang pamamaslang dahil mas bago’t malalakas ang armas ng Moro noon kesa AFP.
Pero, iba ang damdamin ngayon sa PNPA. Bangis at talino ang umuusok; talinong hindi sila susunod sa maling utos ng commander-in-chief.
Hindi ito bugso ng damdamin ng mga kadete. Ganito rin kasi ang nadama ni Fidel Ramos nang mapag-aralan ang maling paglusob, kaya 44 ang nalagas.
Sa isang klase sa PNPA, binanggit ang mga katagang “Kayo ang boss ko,” “Tuwid na daan” at “Walang korap kung walang mahirap.” Nagpagulung-gulong sa damuhan ang mga kadete.
Lahat pala ng kataga ay baligtad ang ibig sabihin, tulad ng pag-uusap ng military intelligence cadets sa PMA at PNPA para hindi maunawaan ang kanilang pinag-uusapan ng nakikinig. Ang boss ay busabos, ang daan ay bangin at ang korap ay pagnakawan araw-araw ang mahihirap.
Malakas na ang pakiramdaman ng magnanakaw na mga politiko na iwan na si Aquino, lalo pa’t 15 buwan na lamang siya sa Malacanang. Iilan na lamang ang kumakampi pa rin sa kanya’t tagapagtanggol.
May ilan na umaasa pa ring kumita dahil sa masidhing nais na ipasa ang BBL. Iba na talaga ang mga politiko ngayon: mukhang pera.
Dahan-dahang iniwan ng mga politiko si Ferdinand Marcos noong 1980, ilang taon bago ang pamamaslang kay Benigno Aquino sa Manila International Airport. Ang kanilang dahilan ay tunay na pagbabago at ang pangamba sa lumalakas na kapangyarihan nina Imelda at Fabian Ver.
Ngayon, hindi ganito ang dahilan ng mga politiko sa kanilang paglayo kay Noynoy. Hindi na sila kayang ipanalo ni Aquino sa susunod na eleksyon (tulad na lang ng hunyanggong Waray na lumalapit na kay Jejomar Cabauatan Binay).
“Failure” ang paglalarawan ni Aquino sa ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao). “Failure” din ang paglalarawan kay Aquino ng kanyang tito at tita.
Kung noon ay naipananakot pa ni Kris kay James na may tatlong taon pa ang kuya niya, ngayon ay hindi na maipanakot ang 15 buwan nalalabi sa kapangyarihan. Sinuman, obispo man o kamag-anak, ay hindi na takot kay Aquino; nagising na sila.
MULA sa bayan (0906-5709843): Maganda ang panukala ni Sen. Koko Pimentel na special taxincentive para sa Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. Pero, mas maganda kung wala nang tax ang lahat ng atleta sa ating bansa, makabuluhan naman ang kanilang propesyon at nagbibigay pa ng dangal sa ating bansa.
Dugo at pawis ang puhunan nila. Tutal, marami namang negosyo si Pacquiao na kinukuhanan din ng buwis at nagbibigay din naman siya ng maraming trabaho. Dods Pandi ng Tacurong City Sultan Kudarat …9382
Mahihirapan si Digong kung siya ang susunod na pangulo. Baka hindi niya kayang takutin ang buong Pilipinas. …1821
Si Noynoy lang pala ang papatay sa diwa ng EDSA. At walang nagawa si FVR. …3044
Paalisin na ang mga tangke dito sa Maguindanao. Sana ilabas ng Bandera ang text ko. …1445