Silang bukod-tanging pinagpala

TALAGA namang nakabibilib ang listahan ng Forbes Magazine tungkol sa 1,826 na bilyunaryo (in US dollars) sa buong mundo na kinabibilangan ng 11 Pilipino.

Sila ang masasabing “bukod-tanging pinagpala” dahil sa mega kayamanan na meron sila.

Nangungunang Pilipinong nasa listahan ng world’s richest men sa buong mundo ay ang mall tycoon na si Henry Sy.

Nakilala at sumikat si Sy dahil sa kanyang mga shopping mall na nagkalat sa Metro Manila at kahit na sa mga probinsiya.

Mula sa pwestong ika-97 noong 2014 umakyat sa ika-73 pwesto ang negosyante at may kabuuang yaman na $14.2 bil-yon, batay na rin sa ulat ng magazine.

Bukod sa mga mall, ilan din sa mga negosyo ni Sy ay bangko at real estate.

Sumunod namang pinagpala ay si John Gokongwei ng JG Summit Holdings, Inc., na nasa ika-254 pwesto sa listahan na may kabuuang yaman na $5.8 bilyon mula sa dating $3.9 bilyon noong isang taon.

Ang pamilya ni Gokongwei, 87, ang nagmamay-ari rin ng Cebu Pacific at Universal Robina.

Pumangatlo sa mga bil-yonaryong Pilipino ay si Enrique Razon, Jr. na may yamang $5.2 bilyon. Pag-aari ni Razon ang International Container Terminal Services at Solaire Resort.

Si Andrew Tan ay nakapagtala naman ng $4.8 bilyon at pag-aari ang sikat na alak na Emperador, Mega World, Mc Donald’s Philippines at Resorts World Manila. Sinundan naman ito ni Lucio Tan na may $4.4 bilyon ang yaman at nakilala sa paggawa ng sigarilyo at nagmamay-ari ng Asia Brewery, bangko at flag carrier na Philippine Air Lines.

Pang-anim si George Ty na may yamang $4.4 bilyon; at si-nundan nina David Consunji, $4.1 bilyon; Tony Tan Caktiong, $2.7 bilyon; Lucio Co, $2.3 bil-yon; Roberto Coyiuto, $1.8 bil-yon at Manny Villar na may yamang $1.6 bilyon.

Nakalulula ang yaman ng 11 Pilipinong bilyonaryo na nasa listahan ng Forbes magazine. Kung pagsasamahin lahat ng kanilang yaman, aabot ito sa halagang $51 .9 bilyon o kabuuang P2.28 trilyon (base sa computation na P44 kada dolyar).

Sana lang, sa laki ng yaman ng mga taong ito, makita nila ang mga nagdarahop na kababayan na ni minsan yata ay hindi pa nakatikim ng “tatlong kain” sa isang araw.

Hindi naman siguro ka-labisan kung makakaamot ng kahit na konting tulong ang mga taong kapus-palad. Sa harap ng limpak-limpak na salaping tinatamasa ng mga taong ito, hindi kaila na hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagdami ng mga maralitang taga-lungsod na pawang sa mga barung-barong naninirahan.

Ang bilang din ng walang hanapbuhay ay patuloy na tumataas kasabay ang pagtaas ng bilang ng mga kabataang hindi nakakapagpatuloy ng kanilang pag-aaral. At ilang bilang din kaya ng pamilya ang sa bawat araw ay hindi kumakain?

Oo, hindi obligasyon ng mga taong nakaririwasa na magbigay ng tulong sa mga mahihirap, pero sana bigyan nila ng puwang sa kanilang puso ang mga taong hindi gaya nilang “bukod-tanging” pinagpala.

Read more...