MAY batas na nagpapataw ng parusang habambuhay na pagkabilanggo sa mga alagad ng batas na “nagtatanim” ng droga sa mga inosenteng mamamayan.
Pero kahit isang pulis o ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) o Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nahatulan sa ilalim ng nasabing batas na ang mga may akda ay sina Senador Robert Barbers at Senador Rodolfo Biazon.
Karamihan ng mga alagad ng batas ay matinik o madulas kaya’t di sila nahuhuli sa frame-up o kaya ang inosenteng mamamayan na kanilang biniktima ay hindi nagrereklamo.
Isang kaso na nakarating sa inyong lingkod ang maaaring magpakulong sa kauna-unahang pagkakataon sa ilalim ng nasabing batas.
Ito ang buong pangyayari:
Si Danter Jeff Lim, 35, isang tricycle driver na matagal nang narehab sa pagiging drug addict, ay inaresto ng limang pulis dahil diumano sa pagtutulak ng droga.
Matapos na dalhin si Lim kay Barangay Kapitan Loreto Erasquin ng Barangay 601, Zone 51, Sta. Mesa, Maynila, upang magbigay kurtesiya, kinulong si Lim ng mga pulis sa Station 8 ng Manila Police District (MPD).
Noong Pebrero 27, nagsampa sina PO2 Gabriel Mandap at PO1 Kirby Latonero ng kasong drug pushing, isang krimen na walang piyansa, sa Manila Prosecutor’s Office.
Ipinrisinta nila bilang ebidensiya ang isang plastic sachet na nakumpiska daw nila kay Lim na naglalaman ng 0.095 gramo ng shabu.
Pero sa kabobohan nina Mandap at Latonero, they failed to cover their tracks.
Sinabi sa akin ni Erasquin, yung barangay kapitan kung kanino ipinrisinta si Lim, walang nahanap na droga sa suspek.
Sabi ni Kap, hinubaran pa nga si Lim sa kanyang harapan ng mga pulis na umaresto sa kanya pero walang drogang nakita sa kanyang katawan.
Na-shock na lang siya, aniya, nang malaman niya na kinasuhan si Lim ng drug pushing samantalang wala namang droga na nakuha sa kanya.
Sinabi sa akin ni Kap na tetestigo siya para kay Lim sa korte.
Ang asawa ni Danter Lim, si Armona, ay humingi ng tulong sa “Isumbong mo kay Tulfo” kahapon.
Sinabi niya sa inyong lingkod na humingi ng P50,000 sa kanya si Mandap upang mapakawalan ang kanyang mister.
Ipinakita ni Armona sa akin ang mga text messages ni Mandap sa kanya gamit ang cellphone ni Danter.
Ang sumusunod ay ang mga text messages:
Feb. 26, alas 8:12 ng gabi—11 wait ka namin. Pinapagawan n aq (ako) ng papeles.
Feb. 26, 8:30 p.m.—ma 11 lang ang binigay na oras.
Feb. 26, 10:12 p.m.—tutuluyan na lang aq ma.
Feb. 26, 10:27 p.m.—30 n lang daw ma. cge na mag 11 na (P30,000 na lang daw, ma. Sige na, ma, malapit na ang alas onse na deadline na binigay sa atin)
Anong ibig sabihin ng mga text messages?
Na nagsinungaling sina Mandap at Latonero sa kanilang affidavit na inaresto nila si Lim sa salang drug pushing noong Feb. 26 sa 11:30 ng gabi.
Sabi ni Barangay Kapitan Erasquin, dinala si Lim sa kanya ng mga pulis noong Feb. 25, alas-7 ng gabi na nagpapasinungaling sa sinabi ni Mandap at Latonero na inaresto nila si Lim noong Feb. 26 alas-11:30 ng gabi.
qqq
Kung ang piskal na hahawak ng kasong frame-up laban sa dalawang pulis ay may utak, kokolektahin niya ang mga ebidensiya na binanggit ko sa itaas at ang kaso laban kina Mandap at Latonero ay magiging airtight.
Kung ang judge na maglilitis kina Mandap at Latonero ay marunong tumingin at hindi mababayaran, papatawan niya ng habambuhay na pagkabilanggo ang dalawang pulis.
Palakasin natin ang batas laban sa frame-up sa droga upang mag-isip ng dalawa o isang daang beses ang mga alagad ng batas bago sila magtanim ng droga sa mga inosenteng mamamayan.