BOSSING, ‘wag naman! – HERBERT

Sa pagtakbo ni Vic Sotto bilang mayor ng Q.C.

Kahit na hindi na namin gaanong nakakatsikahan si Quezon City Mayor Herbert Bautista ay nakatutuwang natatandaan pa rin niya kami nang kami’y dumalo sa kaarawan niya na ginanap sa Isla Ballroom, Edsa Shangri-La noong Sabado ng gabi mula sa imbitasyon ni Tates Gana.

Habang nagkakasayahan ang mga bisita ay ipinalalabas naman ang mga lumang pelikula ni Bistek noong bagets pa siya kasama sina Eula Valdez, Raymondo Lauchengco, JC Bonnin, Ramon Christopher at marami pang iba.

Tatlo ang anak ni Bistek kay Tates at masaya niyang ikinuwento na kasama na sa Goin’ Bulilit ang bunso nilang si Harvey na walong taong gulang na ngayon at nagpakitas-gilas pa sa pagda-drums sa party ng kanyang ama.“Kailangan na niyang (Harvey) kumita, ‘no? Nahihirapan na ako, malakas ng kumain,” birong sabi ng daddy ng bagets.

“Sabi ko, extra-extra lang muna, e, nagsimula ako sa extra, e, di ganu’n din siya,” dagdag pa ng mayor.

Pero pagdating sa pag-aaral ay hindi raw ito puwedeng ipagpaliban, “Priority ‘yun, saka Sabado naman ang taping, hindi naman naaapektuhan. Basta ‘wag mapapabayaan ang pag-aaral.”

At sa tagal na ni Bistek sa pulitika at ngayong kaarawan lang niya siya nagpa-party ng bongga, kaya iisa ang tanong ng lahat, may announcement ba siya o plano sa darating na eleksyon, “Wala, kainan lang ‘to.

Kahit ako nagulat din, eh. Hindi ako ang nag-organize nito,” say sa amin.

Samantala, tinanong namin ang balitang tatakbo rin si Vic Sotto sa 2013 elections bilang mayor ng Q.C., “I don’t think he’ll do that.

Saka, bossing (tawag kay Vic), huwag naman,” nakangiting sabi ni Herbert.

Samantala, natanong din si Herbert tungkol sa kasong kinasasangkutan ngayon ng “kuya” niya sa showbiz na si Konsehal Roderick Paulate, ito ‘yung may kinalaman sa ghost employees.

“Wala pa akong nakukuhang document, eh. Kailangang mabasa ko muna ‘yun,” kaswal na sabi ni Bistek.

Naniniwala si Mayor Baustista na malalampasan din ni Roderick ang lahat dahil napagdaanan na rin daw niya ang mga ganitong issue.

“Hindi ako naniniwala, personal ko siyang kilala kasi kuya ko siya, bata palang ako. Wala namang ghost employees, eh,” pahayag pa.

Read more...