PORTLAND, Oregon — Nagtala si LaMarcus Aldridge ng 29 puntos at 16 rebounds para sa Portland Trail Blazers na nagawang makabangon para maungusan ang Oklahoma City Thunder, 115-112, kahapon at balewalain ang ikatlong sunod na triple-double ni Russell Westbrook.
Si Westbrook, na tumama ang mukha sa tuhod ng kakamping si Andre Roberson sa mga huling segundo ng laro, ay gumawa ng 40 puntos, 13 rebounds at 11 assists. Siya ang naging kauna-unahang manlalaro na nagtala ng tatlong diretsong triple-doubles magmula nang gawin ito ni LeBron James noong 2009.
Nakabangon ang Blazers mula sa 15-puntos na paghahabol sa ikatlong yugto at nagawang maitabla ang laro matapos ang tip shot ni Aldridge may 4:33 ang nalalabi sa laro.
Ang rookie na si Mitch McGary ay kumana ng season-high 20 puntos mula sa bench para sa Thunder.
Warriors 113, Raptors 89
Sa Toronto, umiskor si Klay Thompson ng 25 puntos habang si Stephen Curry ay nagdagdag ng 22 puntos para sa Golden State Warriors na tinambakan ang Toronto Raptors.
Si Draymond Green ay nag-ambag ng 17 puntos at siyam na rebounds para sa Warriors.
Si Terrence Ross ay gumawa ng 18 puntos para sa Toronto, na natalo ng apat na sunod na laro.
Pacers 93, Cavaliers 86
Sa Indianapolis, gumawa si Rodney Stuckey ng 19 puntos habang nagtala si George Hill ng 15 puntos, 10 rebounds at 12 assists sa panalo ng Indiana Pacers kontra Cleveland Cavaliers.