NGAYON pa lamang nagbabala na si Energy Secretary Jericho Petilla na posibleng maranasan ang rotating brownout simula ngayong Marso dahil na rin umano sa magiging kakulangan sa suplay ng kuryente.
Isinisisi ni Petilla ang kabiguan ng Kongreso na ipasa ang panukalang batas na magbibigay sana ng emergency power kay
Pangulong Aquino para maresolba ang inaasahang problema sa power supply.
Nakakatakot para sa Luzon ang banta ni Petilla na asahan na rin na posibleng umabot sa kritikal na lebel ang power supply dito.
Asahan na raw na hindi bababa sa dalawang oras na rotating brownout ang dadanasin sa iba’t-ibang panig ng rehiyon kada araw. Ang mas nakakatakot dito ay ang malalang sitwasyon na pwedeng mangyari: na puwedeng umabot sa pitong oras kada araw ang brownout!
Sakali man itong mangyari, siguradong magtuturuan na naman ang opisyal ng Malacañang at ang Kongreso kung sino ang dapat sisihin sa mararanasang bagong parusa.
Siguradong sasabihin ng Malacañang at ng Department of Energy na nauna na silang nagbabala na kapag hindi mabibigyan ng emergency power si PNoy ay mararanasan ang kakulangan ng suplay ng kuryente sa bansa.
Umasa na rin kayo na hindi papatalo sa pangangatwiran ang Kongreso at tiyak na maghuhugas kamay ito.
Sa bandang huli, sino ba ang apektado ng labis sa nakaambang rotating brownout? Siyempre ang ordinaryong mamamayan din.
Kung tutuusin kasi, hindi naman ito magiging isyu sa mga mayayaman dahil kayang-kaya nilang bumili at gumamit ng mga generator para masolusyunan ang init lalo ngayon na papasok na ang panahon ng tag-init.
Ang masa naman, walang magagawa kundi magtiis sa tindi ng init. Hindi rin naman kasi kaya ng mga ordinaryong mamamayan na makabili ng generator.
Ang ending, makukuntento na lamang sa pamaypay ang mga ordinaryong Pinoy at tiisin ang labis na init.
Sa ngayon, walang ipinapanalangin ang lahat kundi wag sanang matuloy ang bantang brownout na ibinabala ni Petilla pero kung sakaling magdilang-anghel nga ang kalihim, panibagong pasakit ito sa masa.
Kaya nga tayo may gobyerno, Kongreso at mga opisyal ay para matugunan ang serbisyong kinakailangan ng mamamayan kagaya na lang ng pagtiyak ng sapat na suplay ng kuryente sa bansa.
Hindi kasi katanggap-tanggap ang mga palusot para lamang makapaghugas ng kamay kung bakit hindi sila ang dapat sisihin sa nakaambang brownout.
Kung may sinseridad kasi na maglingkod ang ating gobyerno at ang mga opisyal ng pamahalaan, dapat ay una nilang iniisip ang ikabubuti ng mga nakakarami, hindi ang mga sarili nila.
(Ed: Para sa komento o reaksyon, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999859606)