HINDI ka na talaga puwedeng luluko-luko kapag KIA Carnival ang kaharap mo!
Buong-buo na ang loob ng mga bata ni playing coach Manny Pacquiao at lalamunin ka nila kapag pinabayaan mo sila. Naniniwala na kasi sila sa kanilang kakayahang manalo. Hindi na tsamba ang nangyayari.
Sa nakaraang Philippine Cup, tanging ang kapwa expansion franchise na Blackwater Elite ang napabagsak ng KIA noong Oktubre 19 sa opening day ng liga sa Philippine Arena. Matapos iyon ay natalo sila sa sumunod na sampung laro nila. Wala silang nasilat sa mga datihang teams.
Pero sa kasalukuyang Commissioner’s Cup, aba’y tatlong beses na silang nagtagumpay kontra mga koponang kampeon.
Una nilang napabagsak ang San Miguel Beer na nagkampeon nito lang Philippine Cup. Dinaig nila ang Beermen, 88-78, noong Pebrero 4.
Noong Pebrero 18 ay isinunod nila ang defending champion Purefoods Star, 95-84.
Iyon ang naging huling laro ng import ng Purefoods na si Daniel Orton na pinagmulta pa ng P250,000 bunga ng pag-issue ng maaanghang na salita kontra sa liga, sa kalabang KIA at kay playing coach Manny Pacquiao.
At sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng prangkisa ay naitala ng KIA ang back-to-back na panalo nang daigin nito ang Talk ‘N Text, 106-103, noong Miyerkules.
Biruin mo iyon? San Miguel, Purefoods at Talk ‘N Text! Sa kabuuan, ang tatlong koponang ito ay may pinagsamang 39 kampeonatong napanalunan sa PBA. Pero sila ay pinatumba ng KIA!
Sa unang dalawang panalo kontra sa Beermen at Hotshots, ang nagbida sa mga locals ay ang bulilit na point guard na si LA Revilla, isang sophomore na unang naglaro sa Globalport sa nakaraang season subalit hindi nabigyan ng magandang exposure.
Sa ikatlong panalo nila kontra Tropang Texters ay nagbida naman si Hyram Bagatsing na gumawa ng career-high 21 puntos buhat sa 6-of-7 three point shooting.
Siyempre, malaking bahagi sa mga panalo ng KIA at sa kanilang kampanya ang import na si Peter John Ramos na isang 7-foot-3 Puerto Rican.
Mahirap kasing tibagin sa gitna si Ramos.
Kontra sa Tropang Texters, si Ramos ay kinapos lang ng isang assist upang makumpleto ang kanyang kauna-unahang triple double sa liga nang magtala siya ng 24 puntos, 25 rebounds at siyam na assist.
Bukas ay magaganap sa Tubod, Lanao del Norte ang rematch ng KIA Carnival at Blackwater Elite. Pagkakataon ito ng KIA para mapahaba ang winning streak sa tatlo.
Isa rin itong maituturing na farewell present para sa kanilang coach na si Manny Pacquiao na tutulak na patungong Estados Unidos upang simulan ang training para sa kanyang boxing match kontra Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 3. Hindi natin alam kung lalaro bukas si Pacquiao upang pagbigyan ang mga taga-Tubod.
Sayang!
Kung kailan pa naman na paakyat ang performance ng KIA at tsaka pa mawawala si Manny Pacquiao.
Pero tiyak namang hindi magpapabaya ang mga iiwanan ng Pambansang Kamao. Nasimulan na nilang manalo. Masarap ituloy iyan!