KAILANGAN na lamang ni Santy Barnachea na tumapos sa huling dalawang stage sa pagsasara ng 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC ngayong araw para pormal na kilalanin bilang kampeon ng edisyon.
Napanatili ng 38-anyos na siklista ang kanyang malaking agwat kina George Oconer Jr. at John Paul Morales nang magkasabay pa rin sila na dumating sa finish line sa isinagawang Stage 6 na Dagupan City hanggang Burnham Park sa Baguio City at pinagharian uli ni Junrey Navarra.
Sa pagpasok ng akyatin sa Naguilan road ay nagsimulang umatake ang 22-anyos tubong South Cotabato at kasapi ng national team para solong tumawid sa finish line taglay ang nangungunang tiyempo na apat na oras, 16 minuto at 22 segundo.
Ito ang kanyang ikatlong sunod na taon na panalo sa stage na ito at hiniya niya ang Stage Four winner na si Rustom Lim na may 4:18:19 habang si Boots Ryan Cayubit ang kumuha sa ikatlong puwesto sa 4:18:22.
“Mula 2013 ay ako ang kumukuha sa stage na ito at siguro para sa akin talaga ito,” wika ni Navarra na siya na ring kikilalanin bilang King of the Mountain.
Ngunit ang araw ay para kay Barnachea dahil itinalaga na siya bilang virtual champion sa walong stage, anim na araw na karera na may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.
“Akin na iyan,” bulalas agad ng 38-anyos na si Barnachea na magiging kauna-unahang siklista na dalawang beses na napagharian ang kompetisyong may ayuda pa ng Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp, Maynilad at NLEX habang ang TV5 at Sports Radio ang mga media partners.
Magtatapos ang aksyon ngayon at unang gagawin ang Individual Time Trial sa umaga bago wakasan ang kompetisyon sa isang criterium race.
Sinasabing hindi na matitinag sa unang puwesto si Barnachea dahil mahihirapan ang mga katunggali na kainin ang malaking kalamangan dahil mahigit walong kilometro lamang ang ITT.
May 21 oras, 49 minuto at 37 segundo kabuuang oras si Barnachea at nanatili ang 7:32 layo kay Oconer (21:57:09) habang si Morales ay kapos ng 9:18 (21:58:54).
“Ang plano talaga pagdating sa ahon kung may tumira na nasa top ten, hahabulin namin. Kapag wala, dadalhin lang namin. Si Oconer tinalo ko siya pero siya rin ang nagsabi na kontento na siya sa ikalawang puwesto. Maganda ang sipa naming lahat kaya sama-sama kaming dumating,” ani pa ni Barnachea.
Halagang P1 milyon ang makukuha niya kapag pormal na kinilala bilang kampeon at babahagian din niya ang mga kasamahan sa Philippine Navy-Standard Insurance na tunay na nagbigay sa kanya ng suporta.
Kung selyado na ang unang puwesto, mainitan pang pinaglalabanan ang ikalawang puwesto na magkakaroon ng P500,000 gantimpala.
Angat lamang si Oconer ng isang minuto at 45 segundo kay Morales kaya’t tiyak na hahataw ang dalawa sa ITT ngayong umaga.
Ang iba pang siklista na nasa top ten sa overall ay sina Edgar Nieto (22:00:51), Ronald Oranza (22:01:07), Lloyd Lucien Reynante (22:01:23), Irish Valenzuela (22:02:24), Baler Ravina (22:02:29), Cris Joven (22:03:39) at John Mark Camingao (22:08:47).