Stick na lang kay PNoy

NAPAKALAKI sanang balita ang pagkakapatay sa teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan kung hindi nalagasan ng 44 miyembro ang Special Action Force.

Dahil nga 44 ang namatay na pulis, dito sumentro ang mga balita.  Kung yung may napatay na pulis sa bakbakan ay isang istorya o balita na, higit na kung ang bilang ay 44.

Ang tingin ng marami, pambangon ng puri ng noon ay suspendidong si PNP chief Alan Purisima ang operasyon kaya ito ay inilihim kay PNP acting chief Leonardo Espina at Interior and Local Government Sec. Mar Roxas.

Kung hindi 44 ang namatay, marahil ay walang aangal kung makababalik si Purisima sa puwesto dahil sa malaking accomplishment na ito.

Pero may nasagap naman akong ibang anggulo sa istoryang ito, hindi lang daw para kay Purisma ang operasyon kundi para rin kay SAF chief Director Getulio Napeñas.

Ang palagay ng iilan, posibleng si Napeñas na ang susunod na PNP chief kung hindi 44 ang napatay.

Mahihirapan umano na tibagin si Napeñas kung lalabas ang pangalan nito sa listahan ng susunod na PNP chief dahil kasama sa kanyang accomplishment ang pagpatay sa international terrorist na si Marwan.

Pero kung siya pa rin ang itatalaga ni Aquino bago ito bumaba sa 2016, eh wala naman tayong magagawa.

Si Purisima ay magreretiro sa Nobyembre. Nagbitiw siya sa pagiging PNP chief pero hindi bilang pulis kaya siya pa rin ang nag-iisang may hawak ng apat na estrella sa balikat (read: four-star general) sa hanay ng kapulisan.

Kung si Napeñas ang gagawing PNP chief ay marami ata siyang masasagasaang ibang heneral na higit na senior sa kanya.

Pero ano ba naman ang bago, hindi naman ito ang unang pagkakataan na may masasagasaan sa appointment ng pangulo.

Si Supreme Clourt Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay kapapasok pa lamang sa Korte Suprema ng gawing punong mahistrado

Nangyari rin ito sa Sandiganbayan nang italagang presiding justice si Amparo Cabotaje-Tang na sa 2024 pa magreretiro.

Matapos ang malagim na sinapit ng SAF44, nakuwestyon ang uri ng pamumuno ni Aquino at may mga nanawagan sa kanyang pagbibitiw sa puwesto.

Pero mukhang hindi bumenta ang PNoy resign. Kahit pa kabilang sa nananawagan nito ay ang kanyang mga kamag-anak na pinangungunahan ng kanyang tiyuhin na si dating Tarlac Rep. Peping Cojuangco at misis na si Tingting Cojuangco na tumakbo sa pagkasenador noong 2013 sa ilalim ng United Nationalist Alliance ni Vice President Binay.

Kung aalis si Aquino, si Binay ang uupo sa Malacanang.
Wala namang naniniwala may maitatayong transition commission na mamamahala umano sa eleksyon para makapamili ang tao sa papalit kay PNoy.

At si Binay, magbibitiw din ba siya kung aalis si Aquino. At papaano si Senate President Franklin Drilon, magbibitiw din ba siya?

Malabo ang gusto ng mga nananawagan ng pagbabago sa gobyerno, dahil ang iniisip ng marami sila ang mamimili ng magiging bagong lider ng bansa na kanilang gagawing puppet para maproteksyunan ang kanilang mga interes.

Kaya ang tao, stick na lang kay Aquino, tutal ay ilang buwan na lamang siya sa puwesto.

At kapag naghain na ng certificate of candidacy ang mga kakandidato para sa 2016, walang magagawa ang Aquino administration dahil maglulundagan na ang maraming kakampi nito sa llamado sa halalan.

(Editor: May tanong o komento sa artikulong ito? I-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606)

Read more...