Bimby nag-iiyak nang malamang ikakasal na ang kanyang yaya

BIMBY AQUINO YAP AT JANA AGONCILLO

BIMBY AQUINO YAP AT JANA AGONCILLO

KUNG hindi magbabago ang plano, ngayong araw ang story conference ng pelikulang pagsasamahan nina Bimby Aquino Yap at Jana Agoncillo (mas kilala bilang si Baby ng Dream Dad) – base na rin sa tsika sa amin ng isang taga-Star Cinema.

Kailan lang ay nasulat namin na gagawa nga ng pelikula ang dalawang bagets base sa kuwento ng mama ni Bimby na si Kris Aquino. At kung hindi kami nagkakamali ay isasali ito sa 2015 Metro Manila Film Festival.

Tinanong namin si Kris tungkol dito at ang mabilis niyang sagot, “Actually, wala pang definite date, Reggee, presentation pa lang naman, so doon pa lang namin malalaman kung paano. Ang alam ko, hangga’t hindi tapos ang Dream Dad hindi mag-i-start ng shooting kasi hindi naman puwedeng lumagare si Jana.”

Dahil dito ay parati na raw pinapanood ni Bimby ang Dream Dad sa ABS-CBN dahil kay Baby.

“Yes, Bimby and kuya Josh with the yayas, always watching na Dream Dad, it’s a must so that Bimby will get familiarize with Baby. Gusto nila ang story,” pagtatapat ng proud mama ng bagets.

Kaya pala bongga ang ratings at na-extend ito dahil dumarami na ang nanonood ng Dream Dad dahil kay Baby, “Maganda ‘yung baby girl,” pahabol ni Kris.

Sa madaling salita, uunahin ang Bimby at Jana movie kaysa sa Derek Ramsay-Kris Aquino?

“Basta ang sabi ko kay tita Malou (Santos), Bimby is my priority, now that Gerbel is getting married in September, and the new yaya naman will be trained muna.

“So, stage mom ako talaga kaya after Kris TV, diretso naman ako sa shooting ni Bimb kung sakali kasi siya rin naman after class pa siya puwedeng mag-shoot din,” paliwanag ni Kris.

Umokey daw si Ms. Malou na unahin ang pelikula nina Bimby at Jana dahil nga may time frame, “Oo mabilis lumaki ang mga bata ngayon.

“At ang request ko sana si direk Jeffrey Jeturian kasi sanay na siyang humawak ng bata, di ba sa Be Careful (With My Heart) o kaya si direk Cathy Garcia-Molina, sabi ko nga kay tita Malou, ‘Siguro naman deserving naman ang anak ko na mag-Cathy Garcia siya.’ So, wait lang daw kasi kung sino ang available sa dalawang direktors,” pahayag pa ni Kris.

Pambubuking pang kuwento ni Kris, umiiyak nga raw si Bimby kasi nga mawawala na ang yaya Gerbel niya, “Naawa nga ako kasi siyempre, feeling niya naiiwan siya, ilang taon niyang kasama si Gerbel, tapos naghiwalay pa kami ng papa niya (James Yap), so alam mo ‘yung feeling?

“Nakakatuwa nga si kuya Josh, bulong niya kay Gerbel, ‘Don’t tell him that you’re getting married, it’s our secret.’ E, alam naman ni Bimb. Kaya sabi ko kay Bimb, habang tini-train pa ang new yaya, I will pick him up sa school, sabi niya, ‘Why you don’t going to bring me to school?’ Sabi ko, ‘I can’t wake-up early honey, I’ll just pick you up.’

“Tapos sabi niya, ‘It’s okay yaya Gerbel is getting married, you’re not going to get married anyway because you don’t have a boyfriend and I don’t like it, it’s just you and me mama.’ O, di ba, so isipin mo, Reggs, walang kawala di ba?” humahalakhak na kuwento ng TV host.

Sadya ba talagang walang inspirasyon o boyfriend ngayon si Kris dahil blooming siya sa Aquino & Abunda Tonight episode noong Lunes, “Naku, Reggs, wala!” mabilis na sagot nito.

Sa nakaraang episode ng The Buzz noong Linggo ay sinabi na ni Kris na hindi niya papasukin ang pulitika at nabanggit pa na malapit na siyang magretiro sa showbiz at aasikasuhin na lang ang mga negosyo niya.

“Si Ate Guy (Nora Aunor) kasi, tinanong ako, so sinabi ko talaga hindi at wala talaga pa sa plano ko (mag-politika),” sabi sa amin.

Nabanggit din na  sasagutin pala nina Kris at Boy Abunda ang pagpapaopera ni Ate Guy sa lalamunan para maibalik na ang singing voice nito.

Read more...