IBANG klase ang pakiramdam ng bawat Pilipino sa balitang tuloy na sa Mayo 2, 2015 (Mayo 3 sa Pilipinas) ang labanan ng greatest fighters of all time na sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. sa MGM boxing arena, Las Vegas, USA.
Parang imposible pang isipin na isang Pilipino tulad ni Pacquiao ang mapapalaban sa pinakamalaking premyo, pinakamalaking pay-per-view fight, at pinakamakasaysayang “fight of the century” sa welterweight division.
Aabot daw sa $400 milyon o P17 bilyon ang inaasahang kikitain ng naturang laban na ang hatian ay 60 porsyento ang kay Mayweather ($240 milyon) at 40 porsyento ang kay Pacquiao ($160 milyon o P7.04 bilyon).
Ang kaso ang kontrata ay para sa isang laban lamang, ibig sabihin walang rematch na pag-uusapan. At pag ganito ang kontrata, wala nang negosasyong pang muli pagkatapos ng laban sa Mayo 2.
Natuwa ako at napaluha pa nang sabihin ni Pacquiao sa international media na ang laban niya kay Mayweather ay inaalay niya “for the glory of the Philippines and my fellow Filipinos around the world”.
Isipin ninyo, isang Pilipinong galing sa kahirapan ang ngayon ay kasama sa isang pinakamakasaysayang laban sa boksing na mas malaki pa kaysa Muhammad Ali-Joe Frazier noong 1970’s.
Isang bagay na dapat nating ipagpasalamat dito kay Pacquiao na nananatiling ipinagmamalaki ang bansa at mga kababayan niya kahit siya na ay isang sikat na sikat na world celebrity. Isang tunay na buhay na “rags to mega-riches story”.
Animnaput siyam na araw na lang o kulang sa 10 linggo na lamang bago ang laban at malalaman na natin kung sino ang mananalo sa dalawa.
Ayon kay Manny, sapat na ang 8-week training sa kanya. Sabi naman ng undefeated na si Mayweather, si Pacquiao daw ang kanyang magiging number 48 na panalo sa Mayo 2.
Pero, naniniwala naman sina Top Rank Promoter Bob Arum at trainer Freddie Roach na mananalo si Pacquiao.
Sabi ni Arum, na mahigit sa 10 taong humawak sa promosyon ni Mayweather, na nahihirapan ito sa mga “southpaws” o boksingerong kaliwete na gaya ni Pacquiao, lalo pa’t mabilis itong sumuntok.
Noon daw, ayon pa kay Arum, binilin ng tatay ni Floyd na huwag na huwag daw sanang i-match ang kanyang anak sa mga southpaws na boksingero.
Katunayan, sabi pa ni Arum, dalawang boksingerong kaliwete noon na hindi kasing-galing ni Pacquiao, sina De Marcus Corley (2004) at Zab Judah (2006) ang nagpahirap at muntik nang tumalo kay Mayweather. At magmula noon ay hindi na ito lumaban sa mga kaliweteng boksingero.
Sabi naman ni Trainer Freddie Roach, pwede pang magyabang ngayon si Floyd pero pagdating ng laban si Pacquiao ang mananalo.
Siyempre, lahat ng Pilipino ay susuporta at magdadasal para manalo si Pacquiao sa kanilang laban na mapapanood nating lahat sa araw ng Linggo.
Pero dapat nating hangaan si Pacquiao sa kanyang pagbibigay karangalan sa Pilipinas at pagkilala sa bawat Pilipino saan mang dako ng mundo.
Kahit noong nagsisimula pa lamang siya, paulit ulit niya itong sinasabi na lalong naging makahulugan at ngayong narating na niya ang dulo ng kanyang makulay na karera sa boksing.
Go, go, go Manny Pacquiao! Wakasan mo na ang kayabangan ni Mayweather.
Go Manny Pacquiao!
READ NEXT
May itinatago ba ang Senado?
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...