MUKHANG hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng Senado nang magpatawag ito ng executive session kaugnay sa insidente sa Mamasapano, Maguindanao na nagresulta sa pagkakatay ng 44 miyembro ng PNP Special Action Force halos mag-iisang buwan na ang nakalilipas.
Ang pagsasagawa ng executive session o closed-door hearing ng Senado ay hindi wasto lalo na kung wala namang matibay na batayan para gawin ito. Kaya nga, sa gitna ng maraming katanungan ng taumbayan, nakapagdududa kung bakit isinagawa ang nasabing executive session.
Dapat malaman ng taumbayan kung ano ang mga ibinunyag ng dalawang heneral at iba pang resource person sa pagharap ng mga ito sa executive session. Ang tunay na pangyayari sa Mamasapano incident ay dapat na mabunyag at malaman kung sinu-sino ang may pananagutan sa trahedyang naganap, kahit ito ay kabilangan pa ni Pangulong Aquino.
Kailangan ding malaman ang papel ng ginampanan ng Estados Unidos sa inilunsad na Oplan Exodus at mabatid kung may ginawa itong paglabag sa batas ng Pilipinas. At kung ang pagsawsaw ng US sa operasyon ng PNP sa Mamasapano operation ay isang direktang pakikialam sa soberenya ng bansa, ay isang bagay na hindi dapat palagpasin.
Sa ganitong paraan, ang pagdududa ng taumbyan na merong pagtatakip na ginagawa ang Senado ay mawawala. Kailangang ilantad ang tunay na nangyari sa Mamasapano incident sa ginawang executive session ng Senado.
May karapatan ang taumbayan lalu na ang mga naiwang pamilya ng 44 SAF commando na malaman ang katotohahan sa tunay na nangyari sa Mamasapano at hindi dapat ito itago ang mga kaganapan at mga isiniwalat ng mga heneral na dumalo sa executive session ng Senado.
Higit na mauunawaan at magkakaroon ng tamang paghuhusga ang publiko kung ang bawat salaysay ay hindi gagawin closed-door. Hindi rin ito pagdududahan na may ginagawang pagtatakip o white wash.
Walang dapat na ipag-alala ang mga senador kung ang isang pagdinig ay gagawing publiko.
Alam dapat ng isang senador ang tama at maling pagtatanong para hindi makompromiso ang seguridad ng mga resource person lalu kung malalagay sa alangani o sasabit dito ang seguridad ng bansa.
Sa kabila ng muling pagpapatawag ngayong araw ng public hearing hinggil sa Mamasapano incident, nakalulungkot na sabihin na nabahiran na ito ng pagdududa lalo na sa kredibilidad ng komiteng dumidinig nito sa Senado.
At sa mga susunod na pagdinig, sana huwag nang maulit muli ang executive session na ipinatupad ng Senado.