HINDI sinayang ni George Oconer Jr. ang pagkakataong naibigay sa kanya nang pagharian ang criterium race sa Paseo Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna na siyang opiyal na nagbukas sa 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC.
Ang 23-anyos na national team member at kinilalang Best Young Rider noong 2011, ay nakaremate laban sa apat na kasabayan tungo sa kanyang ikatlong stage win sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado pa ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.
“Sa kaliwa ako dumaan kaya ako nakakawala,” wika ni Oconer na naungusan sina Rudy Roque at Cris Joven. Sina Rustom Lim at 2011 champion Santy Barnachea ay kasama sa limang kumalas matapos lamang ang ikaapat na ikot sa isang oras at tatlong ikot na karera pero naubos sila para malagay sa pang-apat at panlimang puwesto.
Ang limang ito ay may iisang oras na isang oras, 13 minuto at 15 segundo pero si Oconer ang nagkamit ng P15,000
premyo. “Patag ang karera pero napakalakas ng hangin at kapag sinalubong mo mago-groggy ka,” dagdag ni Oconer na nalakuha ng stage win noong 2011 at 2012 edisyon.
Ang Stage Two ay pinaglabanan din kahapon ng hapon na isang 120.5-kilometer race mula Calamba, Laguna hanggang Quezon National Park sa Atimonan, Quezon at dito magsisimula ang tunay na sukatan sa 102 siklista na bumubuo sa Championship round.
“Mountain finish ito kaya mas mahirap. Tingnan na lang natin kung ano ang mangyari,” dagdag ni Oconer na ang ama na si Norberto ay beterano ng 1992 Barcelona Olympics at isa ngayon sa mga coaches ng national team.
Ang ibang mga bigatin sa pangunguna ng nagdedepensang kampeon na si Reimon Lapaza at Mark Galedo ay nakontento na lamang na tapusin ang karera at ireserba ang enerhiya na Stage Two na katatampukan ng pagdaan sa matarik na ‘bitukang manok’.
Ang Stage Three ay gagawin ngayong alas-9 ng umaga at ito ang pinakamahabang ruta sa walong stage na karera dahil ang Quezon hanggang Antipolo, Rizal ay aabot sa 171.1 kilometro.
Halagang P1 milyon ang mapapasakamay ng tatanghaling kampeon sa karerang may ayuda pa ng Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX bukod sa TV5 at Sports Radio bilang mga media partners.