MAGSISIMULA ang pasiklaban ng mga mahuhusay na siklista sa buong Pilipinas sa paggulong ngayon ng 2015 Ronda Pilipinas Championship round na handog ng LBC.
Agad na masisilayan ang magandang kondisyon ng mga magtatagisan sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado pa ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi dahil dalawang stage ang paglalabanan sa araw na ito.
Sa ganap na alas-8:30 ng umaga opisyal na magsisimula ang Stage One na isang 60-kilometro Criterium race sa kapaligiran ng Paseo Greenfield sa Sta. Rosa, Laguna.
Ang mananalo ng stage ay magkakaroon pa ng pagkakataon na palawigin ang kalamangan sa mga katunggali sa Stage Two na isang massed start race patungong Quezon Mountain Park sa Atimonan, Quezon.
Mapanghamon ang rutang ito dahil makikilatis ang lakas sa ahunan dahil dadaan ang karera sa matarik na ‘Bitukang Manok’.
Si Reimon Lapaza ng Butuan City ang siyang magtatangka na maging kauna-unahang siklista sa karerang ito na maka-back-to-back bilang kampeon pero aminado siyang hindi magiging madali ito dahil sa mabibigat na katunggali sa pangunguna ng dating kampeon at national team member na si Mark Galedo bukod pa sa ibang national riders tulad ni Ronald Oranza. Nagparamdam si Oranza ng kahandaan na makilala sa karerang may ayuda pa ng Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp, Maynilad at NLEX nang walisin ang dalawang yugtong Luzon elimination kasabay ng pagkopo rin sa Sprint at King of the Mountain titles.
Nagkaroon din ng Visayas elimination para madetermina ang mga pupuwede na makasali sa yugtong ito.
“Hindi magiging madali dahil babantayan na ako ngayon. Pero determinado akong mapanatili sa Mindanao ang titulo,” wika ni Lapaza.
Isang European composite team din ang makakagitgitan ni Lapaza dahil ang bisita ay puwedeng manalo sa bawat stage pero hindi kasali sa overall race.
Magtatapos ang karera sa Sabado sa Baguio City at ang lalaban na individual champion ay magkakamit ng P1 milyong premyo sa karerang itinalaga rin ang TV5 at Sports Radio bilang mga media partners.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.