TULOY na ang pinakahihintay na sagupaan sa pagitan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 3 (Philippine time).
Mismong ang walang talong si Mayweather ang nag-anunsyo na tuloy na ang laban upang patotohanan ang kanyang sinabi na gusto niyang maganap ang tagisan nila ni Pacquiao.
“What the world has been waiting for has arrived. Mayweather vs Pacquiao on May 2, 2015, is a done deal. I promised the fans we would get this done, and we did. We will make history on May 2nd. Don’t miss it! This is the signed contract,” wika ni Mayweather gamit ang handle na @shots na kung saan naka-post rin ang kontrata na pirmado ng dalawang boksingero.
Sa welterweight division isasagawa ang bakbakan at nakataya rito ang titulo ni Pacquiao sa World Boxing Organization (WBO) at ang World Boxing Council (WBC) at World Boxing Association (WBA) belts ni Mayweather.
Sinasabing nasa $250 milyon ang premyong nakataya at dahil 60-40 ang hatian, ang 37-anyos na si Mayweather ay tatanggap ng halos $150 milyon habang ang 36-anyos na si Pacquiao ay magbubulsa ng humigit-kumulang $100 milyon.
Ang HBO at Showtime ay magsasanib din para sa pagsasaere ng laban. Si Pacquiao ay nakakontrata sa HBO habang sa Showtime naman si Mayweather.
Hindi pa natatalo si Mayweather sa loob ng 47 laban at agad din niyang sinabi na sa Mayo 2 ay maililista niya ang kanyang ika-48 sunod na panalo.
“I am the best ever, TBE, and this fight will be another opportunity to showcase my skills and do what I do best, which is to win. Manny is going to try to do what 47 before him failed to do, but he won’t be successful. He will be number 48,” dagdag Mayweather.
Nagpalabas din ng mensahe si Pacquiao at nagpasalamat siya na matutuloy ang makasaysayang laban at agad ding sinagot ang pahayag ni Mayweather sa paggarantiya na bibigyan niya uli ng karangalan ang Pilipinas.
“I’m very happy that Floyd Mayweather and I can give the fans the fight they have wanted for so many years. It is an honor to be part of this historic event. I dedicate this fight to all the fans who willed this fight to happen and, as always, to bring glory to the Philippines and my fellow Filipino around the world,” ani Pacquiao.
Malaki ang paniniwala ng mga boxing experts na buburahin ng labang ito ang mga records sa pay-per-view at sa gate record.
Ang pinakamalaking PPV buy ay nakuha sa laban nina Mayweather at Oscar De La Hoya noong Mayo 5, 2007 na mayroong 2.4 milyon buys habang ang PPV revenue record ay $100 milyon sa laban nina Mayweather at Canelo Alvarez noong Setyembre 14, 2013.
Sa laban din kontra kay Alvarez nailista ang pinakalamaking gate record na $13 milyon.