Pacquiao hanap ng Kamara

KUNG maaari lang magbigay ng “kalabasa award” sa Kamara, imposibleng hindi mabigyan nito si Sarangani Rep. Manny Pacquiao. Hayaan muna ninyong hubarin sa inyong isipan ang kanyang “boxer gloves” at tingnan lang si Pacquiao bilang isang mambabatas, at tiyak na may nakadidismaya sa kanya.

Nitong Lunes, tila superstar na nagpakita si Pacquiao sa Kamara nang dumalo ito sa sesyon matapos ang mahabang pagliban.
Si Pacquiao lang naman ang top absentee sa House of Representatives.

Sa 70 session days meron ang Kongreso nitong 2014, apat na beses lamang ang ipinasok dito ni Pacquiao. Ano kaya ang nararamdaman ng mga taga-Saranggani sa kanilang kinatawan?

Hindi kaya sila nanghihinayang sa botong inilaan nila kay Pacquiao?  Nagagampanan nga ba nito ang kanyang tungkulin bilang isang mambabatas?

Sa kabila ng mga nasabing pagliban, buong-buo pa ring nakukuha ng mambabatas ang kanyang sweldo at mga benepisyo na pawang galing lahat sa pawis ng taumbayan.

Naroroon na tayo, wala pa sa kalingkingan ng kanyang kita sa pagboboksing ang tinatanggap niya sa gobyerno bilang mambabatas.  Ngunit hindi iyon ang isyu.

Pangunahing trabaho ng isang kongresista na gaya ni Pacquiao ay gumawa ng batas at resolusyon na pakikinabangan ng taumbayan, partikular na ng kanyang mga constituents.

Pero nasaan nga ba siya kung wala naman siyang laban sa boksing? Sandaang porsyento rin tayong nakatitiyak na hindi lahat ng oras niya ay iginugugol sa Saranggani.

Sadyang napakaraming pinagkakaabalahan si Pacquiao. Si Pacquiao bilang isang kongresista ay isa ring artista, singer, basketball playing coach, TV host, commercial model at paminsan-minsan ay preacher.

Sa ngayon, bising-busy si Pacquiao sa kanyang mga TV interviews habang pinalulutang ng kanyang mga spin doctors ang napipinto niyang laban kay Floyd Mayweather Jr.

Baluktot ang kutwiran nitong si Pacquiao nang sabihin niyang present naman daw siya sa kanyang distrito kapag absent siya sa Kongreso.

Kailangan maunawaan ni Pacquiao na mahalaga ang pagdalo sa sesyon ng Kongreso dahil dito hinihimay at hinuhulma ang mga panukalang batas na dapat ipairal sa bansa.

Dapat niyang maunawaan na kailangan niyang regular na katawanin ang kanyang mga constituents sa paglilok ng mga batas — kung maaaring almahan niya ito o paboran base sa panga-ngailangan ng kanyang mga kababayan —ay isa sa mga dapat niyang gawin.

Totoong hindi matatawaran ang kontribusyon ni Pacquiao sa pagbibigay ng karangalan sa bansa sa tuwing siya ay umaakyat sa lona, nakikipagbasagan ng mukha, at naipapanalo ang laban.

Pero ang pagiging boksingero at mambabatas ay hindi maaaring ihambing sa isa’t isa. Gaya ng iba pang mga abse-nero sa Kamara, wasto lang ang panawagan na dapat ay dinidisiplina ang mga ito.

Hindi dapat nagdadalawang-isip dito ang liderato ng Kamara. At sana naman ay naiisip din ni Pacquiao na sa kanyang patuloy na pagliban, ang taumbayan ang knockout dito.

Sa larangan ng boksing na-ging matagumpay si Pacquiao. Napatunayan na niya ito at higit na dapat na pagtuunan ng pansin.
Ang larangan ng pulitika ay masalimuot at mukhang hindi siya bagay rito.

Hindi sa loob ng session hall siya mananalo, kundi sa ibabaw ng ring.

Read more...