NAPAKASWERTE talaga ng TV host-comedian na si Ryan Bang. Imagine, tuluy-tuloy lang ang trabaho niya sa ABS-CBN – as in hindi siya nababakante tulad ng ibang Kapamilya stars.
Bukod sa regular shows niya sa Dos, tulad ng It’s Showtime at Banana Split/Banana Nite, makakasama rin siya sa reunion project sa telebisyon nina Coco Martin at Julia Montes.
Yes, ang tinutukoy namin ay ang Wansapanataym Presents: Yamishita’s Treasures kung saan ang Korean comedian nga ang napiling maging bagong sidekick ni Coco. Gagampanan niya ang role ng isang treasure hunter na makakaengkuwentro ng isang fairy, to be played by Julia.
Sa pocket presscon ng nasabing programa under Dreamscape Entertainment, sinabi ni Ryan na talagang na-shock siya nu’ng sabihin sa kanya na siya ang napili ng mga bossing ng Dos na maging sidekick ng Kapamilya Teleserye King.
“Siyempre nagulat ako. Kasi pagkatapos ng Hawak Kamay akala ko tapos na ang career ko sa drama. Pero kinukuha pa rin nila ako,” chika ni Ryan.
Hirit pa nito, “Natutuwa ako na kasama ko si Coco kaya happy ako.”
Mas lalo raw na-excite ang komedyante nang malaman niya na isang fantasy ang bago niyang project, “Mahilig kasi ako sa magic, magic. ‘Harry Potter’ ang paborito ko kaya excited ako.”
Makakasama rin sa Wansapanataym Presents: Yamishita’s Treasures sina Eddie Garcia, Angel Aquino, Bing Loyzaga, Noni Buencamino at ang bibong-bibong anak ni Niño Muhlach na si Alonzo Muhlach. Ito’y sa direksiyon ni Avel Sunpongco.
Siyang pala, naikuwento rin nina Coco at Julia na kailangan nilang mag-aral ng Taekwondo para sa maaaksiyong eksena sa bagong episode ng Wansapanataym – ang peg daw kasi ng mga role nila ay sina Lara Croft (Angelina Jolie) ng “Tomb Raider” at Harisson Ford ng “Indiana Jones”.