TOTOO yan. Ang mga driver at rider ng motorsiklo ay pwedeng bumiyahe kahit walang plaka.
Ito ay dahil kinukulang ang land Transportation Office ng license plates para sa mga motorsiklo, ayon mismo kay Assistant Secretary Virginia Torres, pinuno ng LTO.
Mahigipit ang pagpapatupad ng pamahalaan sa “no plate, no travel policy” dahil isa umano itong hakbang para iwas sa mga krimen.
Maging sa Mindanao kung saan malaganap ang paggamit ng motor, ay mahigpit din sa pagpapatupad ng “no plate, no travel” dahil isa itong daan para labanan ang terorismo.
Ngunit sa Memorandum Circular no. VPT-2012-1642 na naka-address sa mga LTO regional directors, assistance regional directors, director-law enforcement service, district heads at law enforcement officers, inatasan ang mga ito pansamantalang isuspinde ang paghuli sa mga motorsiklo na walang plaka.
Gayunman, kailangang maipakita ng may-ari ng motorsiklo ang kanyang mga dokumento na tunay ngang nakarehistro ito sa LTO.
Paliwanag ng LTO, kinulang sila ng supply ng plaka para sa mga motorsiklo.
Nangangamba naman ang ilang rider lalo na ng mga hindi nakakaalam sa memorandum circular na inisyu ng LTO, na baka maabuso sila ng mga buwitreng traffic enforcer.
Dahil sa walang access ang publiko sa kopya ng circular, ang paliwanag sa pahayagan gaya ng Bandera ay sapat na para maipaabot sa publiko na merong ganoon ngang kautusan ang LTO.
Sa ngayon ay patuloy na suspendido ang paghuli sa mga motorsiklo na walang plaka habang hindi pa nag-iisyu ng bagong order ang LTO. .—Lito Bautista
Tandang Sora TODA klik sa bebot
Nina Chereyn Anania, Marie Baldoza, Reena Ritz Dela Cruz
KADALASAN kapag ang pinag-usapan ay ang pagmomotorsiklo, laging nasa isip nang marami ay pang-lalaki lang ito.
Ganon din naman kapag ang isyu ay tungkol sa usapin ng isang tricycle driver, ang iniisip ng marami ay hindi ito usaping pang-babae.
Ngunit iba na nga ngayon, halos lahat ay equal na sa maraming bagay, maging ito ay sa isyu ng pagmomotor at maging sa pagta-tricycle na isang marangal na trabaho.
Gaya na lamang sa Tandang Sora Tricycle Operators and Drivers Association na binibigyang puwang at halaga hindi lamang ang mga lalaki kundi ang mga babaeng driver.
Ayon sa isa sa mga miyembro ng Tandang Sora TODA na si Julius Mendoza, nasa 400 mahigit ang miyembro ng organisasyon na may edad 18 hanggang 64. Sa 400 na miyembro, dalawa lamang ang babae.
Sa isyu ng pagmomotor at pagta-tricycle, kadalasan ay hindi na pinahahalagahan ang isyu ng kasarian.
“Balewala na ang isyu tungkol dito (gender). Ang alam ng lahat, pare-pareho tayong driver, pare-pareho tayong nagtatrabaho, kaya dapat pare-pareho tayong patas sa lahat,” ayon kay Mendoza.
At dahil nga walang kinikilalang kasarian ang mga isyung kinakaharap ng mga nagmomotor at maging nagta-tricycle, lahat ay umiinda ng iba’t ibang klaseng problema.
Ang kadalasang problemang kinakaharap ng isang tricycle driver ay presyo ng gasolina.
“Wala naman yatang hindi naaapektuhan kapag ang presyo ng gasoline ang tumaas. Yun nga lang mas malaki ang impact nito sa amin dahil bawas ito sa kita.” Madalas ding pinuproblema ng mga driver ay ang kuripot na pasahero, mga lasing na mahilig makipagtalo.
“Kaya ang nangyayari kapag merong palaaway na lasing na pasahero hinahayaan na lang kesa malagay sa peligro ang buhay nila,” ayon pa kay Mendoza.
Apektado rin kadalasan ang mga driver kapag mainit ang panahon.
“Yung init ng panahon kung minsan ang numero uno naming kalaban, tapos yung biglang uulan. Malaking problema iyan sa amin dahil sakit ang idinudulot nito,” dagdag pa nito.
Isa pang malaking problema ay ang polusyon na sakit din ang dulot sa kanilang kalusugan.
Hindi naman maaaring isantabi ang adbantahe ng mga tricycle driver. Isa anya sa adbantaheng maituturing nila kumpara sa jeepney at taxi driver, ay mas maliiit ang kanilang boundary.
Sa Tandang Sora TODA, ang normal na boundary sa mga ito ay P130 kada araw.
Bukod dito, hindi malayo ang mga biyahe. At dahil karamihan ay sila na rin ang nagmamay-ari ng kanilang tricycle, “wala na kaming manager, ikaw mismo ang boss at ikaw ang bahala sa diskarte”.
Ilan sa mga miyembro ay naaaliw sa trabaho dahil sa terminal ay may libangang libre gaya ng paglalaro ng chess, billiards, at meron ding TV.
“Eto yung trabaho na habang naghahanapbuhay ka ay nag-eenjoy ka rin,” pahayag ng isa pang driver.
Ayon naman sa pangulo ng asosasyon na si Reynaldo Apo, hindi lamang paghahatid sa mga pasahero ang tungkulin nila.
Malaki rin anya ang naitutulong nila sa komunidad.
“Bukod sa access of transportation, kapag may naliligaw na mga tao ay tinutulungan din naming.
Kapag may mga aksidente at krimen sa daan, kami ang nauunang nagrereport sa pulisya o sa barangay; kami ang nagdadala sa mga ospital kung may mga aksidente”, ayon kay Apo.
(Ed: Nais din ba ninyong mai-feature sa Bandera Motor Section ang inyong TODA? Sumulat lang at ipadala ang inyong larawan sa Motor Section c/o Bandera, 4th floor MRP Bldg., Mola st., corner Pasong Tirad st., Makati City, at nang maibandera namin kayo!)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
