NAKITA namin si Ronnie Liang sakay ng kanyang kotse habang nakaparada sa tapat ng ABS-CBN ELJ Building noong Biyernes ng hapon.
Tsinika namin ang binata at masaya niyang ibinalita na dadalo siya sa Hongkong Film Festival dahil kasama ang pelikula niyang “Esoterika Maynila” sa international screening nito sa Marso 23 hanggang 26 na idinirek ni Elwood Perez.
Maraming nakapansin kay Ronnie habang kausap namin kaya may mga nakipag-selfie sa kanya hanggang sa may tatlong batang hamog na lumapit sa kanyang sasakyan, dalawang babae na kulot ang buhok at isang payat na bading na pilit siyang hinihingan ng limos.
Kumuha si Ronnie ng coins sa may lagayan ng barya sa may manibela ng kanyang sasakyan at ibinigay sa mga nanlilimos. Huli na nang mapansin niyang natangay na pala ang mamahaling LV wallet niya na nakalagay sa sleeve ng pintuan kanyang ng sasakyan.
Kaya pala maski na nagbigay na ng barya si Ronnie ay ayaw pa ring umalis ng mga batang hamog, iyon pala ‘yung isang batang kasama nila ang dumukot sa kanyang wallet na hindi rin namin napansin.
Naghiwalay na kami ni Ronnie dahil nangungulit pa rin sa kanya ang mga batang hamog at pagkalipas ng dalawang minuto ay tumawag na siya sa amin at sinabing nawawala nga ang wallet niya na naglalaman ng cash, ATM cards, driver’s license, apat na credit cards (kasama ang American credit card), spare keys ng kanyang sasakyan at condo unit bukod pa sa ilang mahahalagang dokumento.
Hindi na umaasang maibabalik pa kay Ronnie ang mga nadukot sa kanya kaya ang sabi niya sa amin, “Nagsigurado na rin ako Reggee, ini-report ko na sa banko ang mga ATM at credit cards ko, ‘yung sa Amerika na lang, tinawagan ko ang pinsan ko na sabihan na lang niya ang bank.
“Tapos ‘yung driver’s license ko naitawag ko na sa LTO at next week daw mapapalitan, buti na lang may California driver’s license ako na puwede raw i-honor dito sa Pilipinas for six months.
“Mabuti na lang at hindi ko nailagay sa wallet kasi nasa bolt kasama ng passport ko. “Ang worry ko, ‘yung mga spare keys kasi nandoon ‘yung address ko, kaya nagbilin na ako sa building administrator na higpitan ang mga taong papasok.
“Magpapalit na agad ako ng lock ng condo unit ko para sigurado, ‘yung sa kotse magpapalit na rin ako. Mahirap na,” sunud-sunod na pahayag ng binata.
Nitong nakaraang weekend ay pinuntahan daw ni Ronnie ang McDonalds para i-report ang pangyayari at nagulat siya dahil marami na palang reklamong natatanggap ang nasabing food chain, karamihan daw sa mga nabiktima ay taga-ABS-CBN din.
Ipina-blotter na ng singer sa police station ang nangyari at hoping na makilala niya sa line-up ang mga batang hamog na kumuha ng wallet niya.
Sabi namin sa singer-actor, huwag nang ilagay sa wallet ang mga ATM, credit cards at driver’s license kasi nangyari na rin sa amin ito, as in natangay lahat ng laman ng wallet namin nang madukutan kami Ito ang rason kung bakit naka-rubber band lang ang mga ATM cards namin.