PAGKAKATAON ng mga siklista mula Luzon ang magpapakitang-gilas sa pagsisimula ng dalawang araw na elimination para sa 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC.
Sa Tarlac City gagawin ang unang yugto at tinatayang nasa 100 siklista ang tutugon sa Stage One para makakuha ng upuan sa Championship round na gagawin mula Pebrero 22 hanggang 27.
Galing ang karerang may basbas ng PhilCycling at suportado pa ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi mula sa tatlong araw na qualifying sa Visayas at maraming bagong mukha ang natuklasan.
“We saw a lot of new faces and young riders in the Visayas elimination and it’s a good sign since the objective of Ronda Pilipinas is to discover new talents,” wika ni Ronda executive director Moe Chulani.
Ang Stage Two ng karera ay gagawin sa Antipolo City at tinatayang nasa 30 siklista ang kukunin para sa Championship round na magsisimula sa Paseo Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna at magtatapos sa Baguio City.
Ang dating kampeon na si Santy Barnachea at multi-gold medalist sa track sa Southeast Asian Games na si Alfie Catalan ang inaasahang mangunguna sa mga sasali sa karera.