Hapee, Cagayan sisimulan ang D-League finals duel

Laro Ngayon
(The Arena)
3 p.m. Cagayan Valley vs Hapee
(Game 1, best-of-three finals)

AGAWAN sa mahalagang 1-0 kalamangan ang magaganap sa pagitan ng Cagayan Valley Rising Suns at Hapee Fresh Fighters sa pagsisimula ng 2015 PBA D-League Aspirants’ Cup Finals ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Ang laro ay magsisimula sa ganap na alas-3 ng hapon at ito ay tapatan ng dalawang koponan na nagpapasikat mula pa sa elimination round.

Nakarating ang Rising Suns sa Finals nang walisin ang huling dalawang laro matapos tumikim ng kauna-unahang kabiguan sa liga sa Game One laban sa Cebuana Lhuillier habang ang Fresh Fighters ay winalis ang Café France sa kanilang serye.

Nagkaroon ng dagdag na araw para makapagpahinga ang Hapee at tiyak na ginamit nila ito para maikondisyon ang sarili sa inaasahang balikatang labanan.

“We have to prepare well because I expect the series to be physical,” wika ni Magsanoc na ang koponan ay siyang number one sa depensa.

Makikilatis kung eepekto ang ilalatag na depensa sa Cagayan na siyang number one sa opensa.

Ang 6-foot-7 No. 1 rookie pick center na si Moala Tautuaa ang handang manguna sa Rising Suns tulad ng ginawa niya sa Games Two at Three laban sa Gems na kung saan naghatid siya ng halos 25 puntos average.

Pero hindi paaawat ang ibang kasamahan ni Tautuaa tulad ng shooter na si Fil-Am Abel Galliguez para maipagkaloob sa koponan ang kauna-unahang titulo sa ikalawang pagtungtong sa Finals.

Read more...