MAY sapat na lakas pa si Mark Julius Bonzo para kunin ang ikatlo at huling stage sa pagtatapos ng Visayas qualifying leg sa 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC kahapon.
Nagsimula at nagtapos ang karera sa Bacolod City Provincial Capitol at rumemate si Bonzo ilang metro sa finish line para samahan sina Jaybop Pagnanawon at Marcelo Felipe na mga stage winners sa karerang may basbas ng PhilCycling bukod sa suporta ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.
Ang winning time ni Bonzo ay tatlong oras, pitong minuto at 17 segundo na siya ring oras ni Boots Ryan Cayubit na lumabas bilang overall champion sa karerang suportado pa ng Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX.
Si Bonzo ay anak ng 1983 Marlboro Tour champion Romeo Bonzo at agad niyang inialay ang panalo sa namayapang ama.
Ang 25-anyos na si Bonzo ay humarurot sa huling stage ng qualifier para mauwi ang ikalawang leg panalo sa limang pagsabak sa Ronda.
Pero ang araw ay para kay Cayubit na hindi humiwalay sa peloton tungo sa pagsumite ng nangungunang overall time na 12:37:01.
Nakatulong nang malaki kay Cayubit ang pagsabay kay Marcelo sa Stage Two na Bacolod-Bacolod race na kinatampukan ng mga ahunan para makuha ang P50,000 gantimpala.
“Sulit ang naging paghahanda ko. Sana madala ko ito sa Championship round,” wika ni Cayubit.
Ang Championship round ay gagawin mula Pebrero 22 hanggang 27 at magsisimula sa Paseo Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna at magtatapos sa Baguio City.
Si Felipe ang pumangalawa sa overall standings sa 12:40:07 oras habang si Rey Martin ng Cebu ang pumangatlo sa 12:42:35 tiyempo.
Ang iba pang bumuo sa top 10 ng three-stage qualifier na nagsimula sa Dumaguete City ay sina Irish Valenzuela (12:43.23), Baler Ravina (12:43.27), Cris Joven (12:45.03), Leonel Dimaano (12:43.03), Junrey Navarra (12:50.35) at Alvin Benosa (12:54.38).
Lilipat ang elimination sa Luzon sa Pebrero 16 at 17 na gagawin sa Tarlac City at Antipolo City para madetermina ang iba pang puwedeng pumasok sa Championship round.
Naghihintay na sa huling yugto ng karera ang nagdedepensang kampeon na si Reimon Lapaza bukod sa mga national riders sa pangunguna ni Mark Galedo at ang bisitang European composite team.
Halagang P1 milyon ang mapapanalunang premyo ng magkakampeon sa karerang itinalaga ang TV5 at Sports Radio bilang media partners.