Solo liderato, ika-5 sunod panalo asinta ng Purefoods Star

Laro Ngayon
(Dipolog City, Zamboanga Del Norte)
5 p.m. Purefoods Star vs Rain or Shine

HABOL ng defending champion Purefoods Star ang ikalimang sunod na panalo at solo liderato sa pagtatagpo nila ng Rain or Shine sa isa na namang Petron out-of-town match ng PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-5 ng hapon sa Dipolog Sports Center sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.

Nagparada ng bagong import ang Hotshots sa katauhan ni Daniel Orton sa kanilang huling laro at nagwagi sila kontra NLEX Road Warriors, 87-62, noong Miyerkules. Sa kasalukuyan ay tabla sila sa pangunguna ng Meralco Bolts sa kartang 4-0.

Isang dating Oklahoma City Thunder reserve, si Orton ay nagtala ng 16 puntos, 12 rebounds, tatlong assists at tatlong blocked shots sa 31 minuto sa kanyang unang laro.

Si Orton ang original choice ng Hotshots subalit hindi kaagad nakarating dahil nakatali pa sa Chinese Basketball League. Kaya naman kinuha muna ng Purefoods Star ang dating Best Import na si Marqus Blakely na nakatulong na magwagi sila sa unang tatlong laro kontra sa Globalport (83-70), Alaska Milk (108-88) at Blackwater Elite (98-86).

Makakatuwang ni Orton sina two-time Most Valuable Player James Yap, Marc Pingris, Mark Barroca, Joe Devance at Peter June Simon.

Ang Rain or Shine ay  may 2-2 record at galing sa 92-87 pagkatalo sa Meralco.

Sa larong iyon ay lumamang ang Elasto Painters ng 13 puntos subalit naubusan sa ikaapat na yugto. Inako ni coach Joseller “Yeng” Guiao ang pagkakamali at sinabing humaba ang gamit niya sa mga reserbang manlalaro.

Ang import ng Rain or Shine na si Rick Jackson ay gumawa ng 22 puntos at 18 rebounds laban sa Bolts. Mapapasabak siya nang husto kontra kay Orton.

Natalo ang Rain or Shine sa una nitong laro kontra Talk ‘N Text, 89-86, subalit nakabawi at nagposte ng magkasunod na panalo laban sa NLEX (96-91) at Globalport (104-98).

Si Jackson ay susuportahan nina Gabe Norwood, Paul Lee, Jeff Chan, Ryan Araña at Beau Belga.

Read more...