Bullpups tinapos ang winning streak ng Eaglets

Laro sa Martes
(The Arena)
2 p.m. NU vs Ateneo

HINDI pinahintulutan ng nagdedepensang kampeon National University na maulit ng karibal na Ateneo de Manila University ang 16-0 sweep na ipinoste sa Season 76.

Si Mark Dyke ay mayroong 20 puntos,17 rebounds at tatlong blocks habang ang ibang mga kasamahan ay nagbigay pa ng magandang suporta para wakasan ng Bullpups ang 14-game winning streak ng Eaglets sa 76-72 panalo sa pagsisimula kahapon ng 77th UAAP juniors basketball title series sa The Arena sa San Juan City.

May 17 at 14 puntos sina John Clemente at Philip Manalang habang si Justine Baltazar ay mayroon pang 17 rebounds at anim na blocked shots para gawing best-of-three ang championship series.

“It was a total team effort,” wika agad ni NU coach Jeff Napa.

Lumamang ng hanggang 14 puntos, 45-31, kinailangan na magpakatatag ang Bullpups dahil nakadikit ang Eaglets sa isang puntos, 60-59, sa buslo ni Lorenzo Mendoza sa kalagitnaan ng huling yugto.

Gumanti sina Dyke, Mark Ferreras at Manalang sa isang 6-0 bomba bago kinapitan ang depensa at tibay sa free throw shooting sa sumunod na yugto tungo sa unang panalo matapos ang dalawang kabiguan sa Ateneo sa elimination round.

May 25 puntos, kasama ang anim na triples si Mike Nieto. Ngunit ang kamador ng Ateneo ay may dalawang tres lang na naipasok sa 20 tira sa huling tatlong yugto para kapusin ang Eaglets.

Read more...