Laro sa Lunes
(The Arena)
3 p.m. Hapee vs Cagayan
(Game 1, best-of-three finals)
KINUMPLETO ng Cagayan Valley ang pagbangon mula sa pagkatalo sa unang labanan nang itala ang 103-85 panalo laban sa Cebuana Lhuillier sa pagtatapos ng 2014-15 PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 22 puntos si Moala Tautuaa at 12 rito ay ginawa sa ikalawang yugto para makapagdomina na ang Rising Suns.
Pero ang naging pandiin ng koponan ay ang mga triples nina Abel Galliguez, Don Trollano at Eric Salamat sa huling yugto para maiwanan ang Gems ng hanggang 20 puntos, 101-81.
Sina Galliguez at Trollano ay may tig-14 puntos at ang apat na tres na ipinukol kasama si Salamat ang tuluyang tumapos sa paghahabol ng Gems na nakadikit pa sa tatlo, 82-79, sa huling 6:29 sa orasan.
Si Adrian Celada ay mayroong 16 puntos, kasama ang dalawang triples sa ikalawang yugto habang si Alex Austria ay may 10 na kinamada sa unang yugto para magkatabla ang Cagayan at Cebuana sa 25-all.
Nanguna para sa Gems si Kevin Ferrer sa kanyang 18 puntos habang double-double na 15 puntos at 13 boards ang naihatid ni Norbert Torres.
Naunang nakalayo ang Gems at angat sila ng anim, 25-19, pero nagpakawala ng apat na puntos si Tautuaa habang dalawa ang ibinigay ni Salamat para sa 6-0 run sa pagtatapos ng unang yugto.
Tumapos ang Rising Suns taglay ang 48 percent shooting, kasama ang 13 triples mula sa 27 attempts.
Sina Galliguez at Celada ay nagtambal sa 6-of-10 shooting sa 3-point line.
“Nakatulong ang pagkatalo namin sa Game One dahil nakita nila na hindi kami unbeatable,” wika ni Cagayan coach Alvin Pua na naunang hindi natalo sa 11 laro sa elimination round.
Ang Game One sa best-of-three finals ay sa Lunes magsisimula at kalaro ng Cagayan at Hapee Fresh Fighters.
Hanap ng Rising Suns ang mahigitan ang pangalawang puwestong pagtatapos noong 2010 sa nasabing conference at kakailanganin nila ang ganitong laro dahil solido rin ang puwersang taglay ng Hapee.