NAKAKAHANAP din naman ng ginto kahit na di sinasadya o di talagang hinahanap.
Tulad na lang ng nangyari sa Meralco Bolts sa PBA.
Noong Disyembre ay nakatuon ang pansin ni coach Norman Black sa datihang import na si Michael Dunigan na minsang nakapaglaro na sa PBA para sa Air21 (ngayon ay NLEX).
Para bang nag-aagawan ang Meralco at Barangay Ginebra sa serbisyo ni Dunigan.
E kung ikaw si Dunigan o ang ahente ni Dunigan, siyempre, dun ka na sa koponang malaki ang potential na magkampeon. Doon ka na sa pinakapopular na koponan sa Pilipinas.
Sa madali’t sabi, sa Ginebra napunta si Dunigan.
Isang linggo na lang ang natitira bago magsimula ang Commissioner’s Cup ay nagkukumahog pa ang Meralco sa paghahanap ng kanilang import.
Finally, nakuha nila si Josh Davis na hindi naman talaga matindi ang credentials. Ang mahalaga ay available ito at puwedeng lumipad patungong Maynila.
Sa umpisa ay nakakatawa ng release ng bola ni Davis. Para bang hindi papasok pero pumapasok. So, doon siya nasanay at nasanay na ang mga tao na panoorin siya.
Well, kahit na halos 6-foot-6 1/2 lang ang sukat ni Davis ay ipinakita naman niyang effective siya at masipag.
Parang sinadya ng pagkakataon na ang unang nakatapat ng Meralco ay ang Barangay Ginebra. At sa larong iyon ay mas maganda ang mga nairehistrong numero ni Davis na nagtala ng 25 puntos at 24 rebounds.
Hayun at nagwagi ang Bolts kontra Gin Kings, 85-74.
At hindi naman pala tsamba ang performance ni Davis. Talagang masipag ang import na ito.
Kaya naman tatlong panalo pa ang naitala ng Bolts matapos na pabagsakin ang Gin Kings.
Dinaig nila ang expansion franchise Kia Carnival, 90-80. Pagkatapos ay sinorpresa ni Meralco coach Norman Black ang dati niyang koponang Talk ‘N Text, 91-83.
At noong Martes ay nakabawi sila sa 13 puntos na abante ng Rain or Shine upang magwagi, 92-87.
Nasa itaas ng standings ang Bolts sa record na 4-0 at ngayon lang ito nangyari sa kasaysayan ng prangkisa.
Sa totoo lang, wala namang earth shaking na pagbabago sa lineup na naganap sa Meralco, e. Nagpalit lang sila ng coach.
Lumipat si Black buhat sa Tropang Texters at hinalinhan si Paul Ryan Gregorio na ngayon ay governor na ng Meralco.
Tatlo sa unang apat na nakalaban ng Meralco ay mga bigatin. Bale statement ito galing sa Bolts.
Ang tanong: Kaya pa ba nilang ituloy ang kanilang giant-killing ways?
Siyempre paghahandaan na silang mabuti ng pitong iba pang makakasagupa nila. Pero lagi rin namang handa ang Bolts, e.