ISANG text message mula sa Jeddah ang natanggap ng Bantay OCW.
Ayon sa OFW na hindi na natin papangalanan, isa siyang domestic owrker o household service worker, at isang taon na nagtrabaho sa dating amo.
Ibinenta umano siya nang dating amo sa among pinapasukan niya ngayon.
May kontrata naman silang pinirmahan, at ayon sa kontrata nila 2,500 Saudi Riyal ang dapat niyang suwelduhin sa bagong employer. Ngunit 1,800 lamang ang aktuwal na kanyang natatanggap.
Bukod dito, 12 oras din siyang pinagtatrabaho at wala pang day off.
Nagreklamo na ‘anya ang kaniyang kapatid sa Bionic Manpower, ang ahensiyang nagpaalis sa kaniya. Ngunit hindi naman inaaksyunan agad.
Wala naman daw siyang makontak sa Labor office sa Jeddah kung kaya’t sinikap niyang makapagpadala ng text message sa Bantay OCW.
Pakiusap ng ating OFW na sana’y matugunan sa lalong madaling panahon ang kaniyang hinaing na mayos na lamang iyon sa pagitan niya at ng kaniyang employer.
Gusto niyang makuha ang kakulangang sahod na hindi tinutupad ng kaniyang amo, pati na rin ang pagpapatupad ng tamang oras sa trabahao pati na ang day off nito.
Wala naman siyang balak umuwi ng Pilipinas.
Kasalukuyan na na-ming inaasikaso ang problemang ito.
Mahirap din palang kawillihan ng amo.
Ito ang nasabi ng kapatid ng OFW na si Merasol Tablo sa Bantay OCW. Palibhasa’y naging mabuting OFW ang kaniyang kapatid na si Josephine Oclarit sa kaniyang employer sa Fujairah sa United Arab Emirates, kung kaya’t hangga’t maaari, ayaw na nitong pauwiin sa Pili-pinas ang ating kabayan.
Noon pang Nobyembre 2013 nag-expire ang passport ni Josephine, at talagang sadyang hindi ito ipinapa-renew ng kaniyang employer. Nais na rin sana niyang bumalik ng Pilipinas.
Hihintayin naman natin ang magiging resulta ng aksyon na ginagawa ngayon ng tanggapan ni Labor Attache Dicang mula sa DOLE.
Limang buwan nang nakasakay sa barko ang seaman na mister ni JS.
At mula noon ay wala pang tawag na natatanggap ang kanyang misis mula rito.
Wala daw siyang balita sa asawa. Nang magtanong ito sa manning agency, tanging sagot sa kanya, “On-Board ang asawa mo”.
Tanong pa ni misis sa Bantay OCW kung ano kaya ang dahilan bakit hindi nakikipag-ugnayan si mister sa kaniya.
Aba hindi rin po namin alam!! Nag-te-text daw siya sa roaming ni mister, ngunit hindi rin ito sumasagot.
Ang alam daw ni JS, may nagawa siyang maliit o kaunti lamang na kasalanan kay mister. At mula noon, hindi na ito tumawag o sumagot pa sa mga text messages o maging tawag niya. Iyon naman pala!!! Alam naman pala ni misis ang dahilan.
Personal ang problema ni JS sa asawang seaman, kaya’t payo ng Bantay OCW na siya lamang din, o sila lamang din na mag-asawa ang makakagawa ng solusyon sa kanilang problema.
Gawin niya ang lahat. Humingi siya ng tawag. Magpakumbaba. Hanggang sa matamo ang kapatawaran ni mister. Ibang usapan na rin naman kasi kung ayaw rin siyang patawarin na ng asawa. Ngunit kung maliit na bagay lang naman iyon, puwedeng palampasin na lang sana.
Si Susan Andes a.k.a. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes-Biyernes, 10:30 am -12:00 noon, audio/video livestreaming: www.ustream.tv/channel/dziq
E-mail:bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com Helpline: 0927.649.9870